KULANG na naman ang mga silid-aralan, ayon sa Department of Education (DepEd). Tinatayang 165,444 classrooms sa buong bansa ang kailangan para may magamit ang mga estudyante sa Hulyo 29 na simula ng school year 2024-2025. Ang problema noon ng DepEd ay problema pa rin ngayon at mas lumubha pa.
Ang problemang ito ang sasalubong kay bagong DepEd secretary Sonny Angara. Siya ang papasan sa iniwang problema ni Vice President Sara Duterte na dating DepEd secretary. Nagbitiw si Sara noong Hunyo 19 na walang sinabing dahilan.
Umupo si Sara sa DepEd noong 2022 na marami ng problema at iniwan din niyang sandamakak ang problema. Walang nagawa si Sara sa kagawaran sa panahong hinawakan niya ito.
Isa sa mga problema ng Department of Education (DepEd) ay ang kakulangan ng classrooms. Noon pa nararanasan ang problemang ito at hanggang ngayon ay problema pa rin. Tuwing pasukan, siksikan ang 60 estudyante sa isang classroom na dapat ay para sa 25 estudyante lang.
May mga estudyante na nagdaraos ng klase sa lobby at mayroon din sa mga comfort room na ginawang classroom. May mga nagdaraos ng klase sa ilalim ng punongkahoy na nasa bakuran ng eskuwelahan. Problema kung umuulan.
Ayon sa DepEd, ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Metro Manila ang nangunguna sa may pinakamalaking kakulangan ng classroom. Ayon pa sa DepEd, P105 bilyon ang kailangan para malutas ang kakulangan sa classrooms.
Problema rin ang kakulangan sa mga mahuhusay na guro sa Math at Science. Ang kakulangan ng mga mahuhusay na guro sa mga nabanggit na subjects ang dahilan kaya nangungulelat ang mga estudyanteng Pinoy. Sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), nakita ang kahinaan ng mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante sa 81 bansa. Nakita rin ang mahinang performance ng mga Pilipinong estudyante na may edad 15 sa creative thinking na isinagawa rin ng PISA.
Isang dahilan kaya walang mahuhusay na guro ay dahil sa mababang sahod na natatanggap ng mga guro. Sa kabila ng mga panawagan na itaas ang sahod ng public school teachers, hindi ito inaaksiyunan.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa maraming problema ng DepEd at ito ang haharapin ni Angara. Kapag nalutas ni Angara ang mga problema, maaring dito na magsisimula ang pagbabago sa kalidad ng edukasyon na matagal na napabayaan.