EDITORYAL - Huwag magtago, harapin ang kaso
HINDI nagkakalayo sina Alice Guo at Apollo Quiboloy. Pareho silang nagtatago at umiiwas sa batas. Si Quiboloy ay founder ng Kingdom of Jesus Christ samantalang si Guo ay suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac. Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong child prostitution, sexual abuse, human trafficking, at acts of neglect, abuse, cruelty and exploitation, samantalang si Guo ay nasasangkot sa kasong may kaugnayan sa Philippine Offshore and Gaming Operator (POGO).
Wala pang pabuya kay Alice Guo samantalang si Quiboloy ay may nakapatong na P10 milyon sa kanyang ikadarakip. Tig-P1 milyon naman ang pabuya sa kanyang mga ka-miyembro na sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, Jackiely Roy at Paulene Canada. Tanging si Paulene Canada pa lamang ang naaaresto ng mga pulis.
May balita na nasa China na raw si Quiboloy pero sabi ng kanyang mga abogado ay inaalam pa nila. Minsan nang sinabi ni dating President Rodrigo Duterte na alam niya ang kinaroroonan ni Quiboloy pero hindi raw niya sasabihin.
Pinagdududahan din kung nasa bansa pa si Guo pero sabi ng kanyang abogado ay narito pa raw. Ayon sa abogado, lagi raw silang nag-uusap ni Guo at pinayuhan din niya na dumalo ito sa pagdinig ng Senado. May nagbabanta raw sa buhay nito at nagkaroon ng trauma kaya hindi makadalo sa hearing. Nakatakdang mag-hearing ang Senado sa Hulyo 29.
Bukod kay Guo, pitong iba pa ang sinilbihan ng warrant of arrest ng Senado dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig. Tanging ang accountant ni Guo na si Nancy Jimenez Gamo ang natagpuan sa kanyang address at nakakulong na ito sa Senado.
Nararapat harapin nina Guo at Quiboloy ang batas. Huwag magtago sapagkat lalo lamang tumitibay ang hinala na mayroon silang nagawang kasalanan. Ang pagtatago ay nagpapatunay na “guilty” sa isinampang kaso.
- Latest