‘Ballpen’ (Part 3)
ISANG kakilala ang nakapagkuwento sa akin na may isang lugar sa Riyadh na tindahan ng iba’t ibang segunda manong gamit at kabilang dun ang mga ballpen.
Nagkaroon ako ng interes sa sinabing lugar kaya nagtanung-tanong ako kung paano makakapunta roon. Tuwing Huwebes at Biyernes daw ang magandang magpunta sa lugar sapagkat maraming binabagsak na gamit na halos mga bago pa at mabibili sa murang halaga.
Nalaman ko na ang pangalan ng lugar ay Manfouha. Ayon sa napagtanungan ko, malapit lang ito sa Batha. Mayroon daw sasakyang mini bus patungo roon pero maglalakad nang malayo.
Mas maganda kung magtataksi sapagkat sa mismong mga tindahan ibababa.
Niyaya ko ang isang kasamahan sa trabaho na mahilig sa segunda mano. Umaga ng Biyernes kami nagtungo.
Marami na agad tao. Iilan lang ang mga Pinoy na nakita ko.
Habang ang kasama ko ay ang mga lumang appliances ang hinahanap, ako naman ay mga ballpen ang pinuntirya. At tama ang sabi sa akin, na napakarami roong ballpen na mga bago pa. Hindi ko malaman kung ano ang pipiliin.
Hanggang isang ballpen ang nakatawag sa akin ng pansin. Mabigat ito na parang may bakal sa loob. Kakaiba! (Itutuloy)
- Latest