MAY mga pulis pang handang ibuwis ang kanilang buhay para panatilihin ang katahimikan ng Pinas, ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil. Binigkas ito ni Marbil matapos masugatan ang dalawang opisyal ng Manila Police District (MPD) at dalawang enlisted personnel sa isang engkuwentro laban sa mga kriminal sa Tondo, Manila ng nakaraang Biyernes.
Pinaulanan ng bala ng mga suspects na sina Archie Juco, alyas RJ Bata at alyas Macmac ang tropa ng MPD na ikinasugat nina MPD intel chief Lt. Col. John Guiagui, SMART chief Maj. Dave Apostol, M/Sgt. Julious Omolon at Cpl. Keith Paul Valdez. Mabuti na lang, at mga superficial lang ang tama ng mga pulis, kaya’t tatlo sa kanila ang nakalabas na ng Chinese General hospital, ayon kay MPD director Brig. Gen. Arnold Thomas “Tom” Ibay. Mismooo!
Ayon kay Ibay, itong si Juco ay sumisibol na lider ng criminal gang sa Tondo na nasa likod ng mga kasong carnapping, gun-for-hire at illegal drugs. Ang gang ni Juco, kasama si Macmac ay nakasuhan na ng MPD ng apat na murder case sa piskalya, ani Ibay. Kaya’t intelligence driven ang isinagawang operation ng tropa ni Ibay, at kasama sa raiding team ang SMART ng City Hall, SWAT at ibang MPD units. Walang balak sumuko sina Juco at Macmac, matapos makorner sa Bgy. 2, Zone 145, Balut, Tondo.
Nang matanto na napaligiran na sila ng mga pulis, pumasok si Juco, kasama si Macmac, sa bahay n’ya sa 368 Pinot St., Balut, umakyat sa second floor at tumalon sa isang eskinita. Hinarang s’ya ng tropa ni Apostol, at nakipagbarilan ang dalawang suspects, sabay hagis ng granada sa raiding team. Mabuti na lang at hindi pumutok ang granada. Pag nagkataon…tsk tsk tsk! Ang sakit sa bangs sana!
Sinabi ni Ibay na nasa kamay at paa ang tama nina Guiagui at Apostol subalit may isang enlisted man na medyo tumagal sa ospital. Matapos masugatan, nag-extricate ang apat, pati ang kanilang tropa at pumalit ang taga-SWAT. Hayun, kumain ng alikabok sina Juco at Macmac. Araguyyy!
Dinalaw nina Marbil at NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez, ang mga sugatan sa ospital at ginawaran ang mga ito ng “Medalya ng Sugatang Magiting” dahil sa kanilang katapangan sa pagpatupad ng kanilang tungkulin. Eh di wow! Dapat lang talagang tularan ng iba pang kapulisan itong kabayanihan nina Guiagui, Apostol, Omolon at Valdez. Ano sa tingin mo Gen. Marbil Sir? Teka, teka! Walang bang cash reward? Mismooo!
Hindi lang naman itong apat na MPD cops ang pinuri ni Marbil kundi maging ang 16 pulis na nasawi sa pagpatupad ng kanilang tungkulin. Lumabas sa PNP records na mula Enero 1 hanggang Hulyo 13, may 16 pulis na namatay sa engkuwentro vs criminals, samantalang 40 pa ang nagtamo ng sari-saring sugat.
Ang kanilang pagsakripisyo ng kanilang buhay ay nagpapakita ng hindi natitinag ang mga ito sa kanilang pangakong serbisyo publiko at seguridad. Itong katapangan na ipinakita ng mga lumisan at nasugatang mga pulis ay dapat magsilbing source ng inspirasyon sa kanilang mga kasamahan para marating ang maganda, malakas at matalinong pagserbisyo publiko, ani Marbil. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
“Their courage must inspire us to perform our duties with the highest level of professionalism and utmost concern for our community’s safety,” ani PNP chief. Abangan!