“Tama pala ang sabi ni Yana na guwapo ka Ram,’’ sabi ni Ate Bianca na tuwang-tuwa habang hawak ang supot na bigay ni Ram at may lamang regalo.
“At mabait ka pa.”
“Salamat po Ate.’’
“Actually ako ang nag-request kay Yana na isama ka rito para makilala ka namin ng mister ko. Naikuwento kasi ni Yana na sinaklolohan mo siya habang binabastos ng dalawang lasing. Sabi ko kay Yana, isama ka rito. Mabuti at pinaunlakan mo ang anyaya.”
“Oo naman po. Kasi po, napakabait nitong si Yana. Nang mag-absent ako nang matagal, iginawa niya ako ng notes sa lahat ng subject. Malaki po ang naitulong sa akin ng ginawa niya dahil nakahabol ako sa mga aralin.’’
“Okey pala ang pagkakaibigan ninyong dalawa. Sana forever ang inyong friendship.”
“Oo Ate Bianca, forever na talaga.’’
“Sige maiwan ko muna kayo at ihahanda ko ang lunch natin. Dito ka magla-lunch, Ram.”
“Thank you Ate.’’
Nagtungo sa kitchen si Bianca.
Hindi naman matapos ang pasasalamat ni Ram kay Yana dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya.
“Napakabait pala ni Ate Bianca.’’
“Oo. Mabait siya at pati si Kuya Honor.”
“Masuwerte ka, Yana dahil mayroon akong alam na kasambahay na pinagmamalupitan. Hindi sinusuwelduhan at hindi pinakakain nang sapat.’’
“Napakusuwerte ko talaga Ram—walang kasing suwerte!’’
“Sabi mo, sila rin ang nagpapaaral sa’yo?’’
“Oo.’’
“Napakasuwerte mo talaga!’’
“Kaya nga wala na akong balak umalis dito. Isa pa, napamahal na sa akin ang dalawang anak nila. Parang mahirap silang iwan.’’
“Tama ka. Siguro kung ako rin ang nasa kalagayan mo, hindi rin ako aalis.’’
“Pero sabi naman nila sa akin, hindi nila ako pipigilan sa balak ko. Kasi raw dapat ko rin namang hanapin ang kinabukasan ko. Kailangan daw, magamit ko ang aking pinag-aralan. Ako raw ang dapat magpasya sa mga dapat kong gawin sa buhay.’’
“Sabagay, tama naman sila. Pero masarap kung habambuhay mo na silang kasama di ba?’’
(Itutuloy)