EDITORYAL - Dapat lumantad na si Quiboloy
ISANG kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy ang naaresto na ng pulisya noong Huwebes. Naaresto si Paulene Canada sa isang subdibisyon sa Davao City. Naganap ang pag-aresto kay Canada dalawang araw makaraang mag-alok ng pabuya ang gobyerno sa ikaaaresto nina Quiboloy at mga miyembrong sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, Jackiely Roy at Paulene Canada. Si Quiboloy ay may pabuyang P10 milyon samantalang tig-P1-milyon sa kanyang mga kasamahan. Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong child prostitution, sexual abuse, human trafficking, at acts of neglect, abuse, cruelty and exploitation.
Kinukuwestiyon naman ng kampo ni Quiboloy ang pagbibigay ng pabuya at kung saan ito nanggaling. Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nag-anunsiyo ng P10 milyong pabuya kay Quiboloy at sinabing galing ito sa mga pribadong indibidwal.
Pinayuhan naman ni President Ferdinand Marcos Jr. si Quiboloy na lumabas sa pinagtataguan nito. Ayon kay Marcos, dapat magpakita si Quiboloy at harapin ang mga inaakusa sa kanya. Sabi pa ng Presidente, walang karapatan si Quiboloy na kuwestiyunin ang pagbibigay ng pabuya. Wala rin daw masama kung mag-offer ng pabuya ang mga pribadong tao sapagkat gusto nilang makatulong na mahuli ang isang pugante.
Mula nang ihayag ang milyong pisong pabuya sa ikadarakip ni Quiboloy at mga kasama, dumagsa ang tawag sa Philippine National Police (PNP) at nagsasabing alam nila ang kinaroroonan nina Quiboloy. Pero sabi ng PNP, maingat nilang pinag-aaralan ang mga ibinibigay na inpormasyon at baka inililigaw lamang sila.
Kasabay sa pag-aanunsyo ng pabuya ng DILG, bigla rin namang kumalat ang balita na nasa China na si Quiboloy. Pero sabi ng mga abogado nito, bineberipika pa nila ang balita. Una naman sinabi ni dating President Duterte na alam niya ang kinaroroonan ni Quiboloy pero hindi niya sasabihin. Pinag-aaralan ng PNP ang mga inihayag ni Duterte sapagkat anila, obstruction of justice ito. Bilang abogado, hindi ito dapat ginawa ni Duterte. Alam naman niya siguro ang batas.
Sa mga pahayag naman ni Quiboloy sa TV, lagi niyang sinasabi na hindi siya susuko. Inosente raw siya sa mga inaakusa. Pakana raw ito ng gobyerno at ng United States. May kaso ring kinakaharap ang pastor sa U.S.
Kung walang kasalanan at inosente sa pinaparatang, patunayan ito ni Quiboloy. Lumantad siya at magpakita ng ebidensiya na wala siyang nilalabag sa batas. Dapat namang sabihin ni dating President Duterte ang kinaroroonan ng kanyang kaibigan at huwag isekreto.
- Latest