HINDI ako bumibitiw sa balsa kahit gumigiwang ito at bumabangga sa mga naaanod na troso at mga katawan ng saging. Kahit anong mangyari, kailangang higpitan ko ang pagkakahawak sa balsa.
Dasal din ako nang dasal. Hiniling ko sa Diyos na iligtas ako. Nangako ako na hindi na gagawin uli ang pag-inom ng alak. Sinisi ko ang sarili kung bakit nagpakalasing.
Maya-maya dumapa ako sa balsa para hindi sumabit sa nakalaylay na mga sanga ng kahoy at kawayan.
Matagal na akong nakasubsob at nagdarasal nang makarinig ng tawag.
Iniangat ko ang ulo mula sa pagkakadapa at tiningnan ang pinanggagalingan ng sigaw.
Hanggang makita ko si Tatay at mayroon siyang mga kasama!
Nasa pampang sila. May dala silang lubid.
Sinenyasan ako ni Tatay na ihahagis sa akin ang lubid. Itali ko raw ang dulo sa aking baywang.
Inihahagis ang lubid sa akin na mabilis kong nasalo. Agad kong itinali sa baywang. Ginawa ko. Isinenyas ni Tatay na hihilahin nila ang lubid. Tumalon daw ako sa balsa pagbilang niya ng tatlo.
“Isa…dalawa… tatlo!’’
Tumalon ako sa balsa. Hinatak ako nina tatay.
Hanggang sa maiahon ako sa nag-aalimpuyong ilog. Nailigtas ako sa kamatayan.
Mula noon hindi na ako naligo sa ilog at hindi na rin uminom ng alak kahit kailan.