ISANG lugar sa Minnesota, U.S.A. ang nakapagtala ng world record dahil sa sobrang tahimik dito!
Kinumpirma ng Guinness World Records na ang Anechoic Chamber sa Orfield Laboratories sa Minneapolis, Minnesota ang “Quietest Place on Earth” dahil mayroon ditong ingay na umaabot lamang sa negative 20 decibels.
Sobrang laki ang katahimikan nito kung ikukumpara sa 30 decibels na ingay ng isang tahimik na kuwarto na nasa isang bukid sa oras ng pagtulog sa gabi.
Gawa ang mga pader, sahig, at kisame ng anechoic chamber sa mga gamit ang mga materyales na mahusay sa pag-absorb ng tunog, tulad ng glass wool at fiberglass wedges. Ang mga ito ay nag-aalis ng echo at ingay mula sa labas.
Ayon sa mga nakabisita na rito, dinig na dinig sa anechoic chamber ang bawat lagutok ng iyong mga buto, pagtibok ng puso at pagkalam ng sikmura. Karamihan sa mga turistang sumusubok pumasok dito ay hindi nakatatagal ng lampas sa limang minuto.
Ang lugar na ito ay dinisenyo ni Steven Orfield para magsagawa rito ng mga experiment at sukatin dito ang ingay ng iba’t ibang produkto.