TATLONG linggo na lang at pasukan na muli sa mga eskuwelahan mula elementarya hanggang kolehiyo. Sa mga high school graduate, isang malaking hamon sa kanila ang pagpili ng course na pag-aaralan. Ito ang isa sa mga yugto sa buhay ng mga kabataang estudyante na hinahanap pa nila ang magiging direksyon nila sa sarili nilang buhay at kinabukasan. Maaari silang gabayan o payuhan pero nasa kanila pa rin ang huli at pinal na desisyon sa course na pag-aaralan nila sa kolehiyo.
May mga estudyante na ang pagpili ng course ay batay sa propesyon ng kanilang mga magulang, dikta ng pamilya at lipunan, sariling hilig, interes, kakayahan at abilidad, kinalakihang kapaligiran, kakayahang pinansiyal (may mga course napakamahal ang matrikula kaya magkakasya na lang sila sa kung saan mas mura kahit hindi nila gusto), pangarap sa buhay, mga nakapukaw sa kanyang imahinasyon o atensiyon, at iba pa.
Karaniwan na ring may mga estudyante na, pagkatapos ng una o dalawang taon sa kolehiyo, lumilipat sila ng ibang course sa iba’t ibang kadahilanan. Kinalaunan na nila natutukoy ang talagang gusto nila. May mga nagsasabing mainam na kuning course ay ang madaling makahanap ng trabaho o iyong mas malimit hanapin ng mga employer o iyong makakapagbigay ng mas magandang oportunidad o kung saan mas uunlad ang buhay at kinabukasan ng estudyante.
Naimumungkahi ang mga nasa larangan ng STEM (Science, Technology, Engineering at Mathematics) dahil sa mga oportunidad na maibibigay nito sa mga mag-aaral pero nagbibigay din naman ng oportunidad ang ibang mga kurso. Marami ring mga kaso na malayo o walang kaugnayan sa course na pinag-aralan ng estudyante ang naging trabaho o karera niya pagkagradweyt niya sa kolehiyo.
Parang eksperimento ang pagpili ng anumang course sa kolehiyo. Dumadaan sa mga pagsubok ang mga estudyante. May mga tumatama at nagkakamali at nagtatagumpay o nabibigo. Mas mahirap kung wala rito ang kanyang puso’t isipan dahil may tendensiyang hindi siya makapag-aral mabuti at hindi makapagsuot ng toga at makapagmartsa sa entablado. Mas mahirap kung napilitan lang siya o nadiktahan siya sa pagpili sa isang partikular na course dahil malayo ito sa kanyang puso’t kalooban. Kaya malaking bagay kung talagang interesado siya sa course na ito para mas maging inspirado siya sa pag-aaral.
Lahat naman ng course ay magaganda. Hindi naman ito iaalok ng mga pamantasan at kolehiyo kung hindi ito makakabuti sa estudyante. Wala ring tiyak na pamantayan kung anong course ang mas mainam sa isang estudyante. Maaaring depende ito sa kanya lalo pa at nakataya rito ang kanyang kinabukasan. Maaari siyang magsaliksik, magbasa, magtanung-tanong, o kumunsulta pero siya pa rin ang higit na makapagpapasya kung ano ang nababagay sa kanya.
Nasa personal niyang desisyon kung saan siya magiging masaya, kuntento, may kumpiyansa, panatag ang loob, payapa ang isip, mas makakapagbigay ng motibasyon para mag-aral mabuti at makatapos ng kolehiyo. Huhubog sa mapapasukan niyang larangan paglabas ng kolehiyo ang mapipisil niyang course.
Karaniwang nasa edad 16, 17 o 18 ang mga nagtatapos sa hasykul. Mga binatilyo at dalagitang kahit wala pang halos kamuwang-muwang sa mundo ay naaatangan na ng responsibilidad na mag-isip at pumili ng course na kukunin nila sa kolehiyo. Marahil, mas may bentahe rito ang ang mga estudyanteng maliit pa lang na bata o kahit mula pa lamang noong nasa elementarya pa lang sila ay meron na silang pangarap na gusto nilang marating na maaaring maging basehan ng pagpili nila ng pag-aaralan nilang course sa kolehiyo.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com