(Part 2)
MARAMING puno ng saging sa paligid kaya nakatuwaan naming magkakabarkada na gumawa ng balsa. Kanya-kanya kaming gawa ng balsa.
Pumili ako nang malaking punong saging at kinortehan kong pa-triangle. Sa gitna ng triangle ay nilagyan ko ng sahig na kahoy para higaan ko.
Nang matapos ang ginawa kong balsa, iyon ang pinakamaganda. Bago kami lumusong sa ilog para sakyan ang balsa, nagkainan muna kami at nag-inuman, Pawang “marka demonyo” ang baon naming alak. Sunud-sunod ang tagay ko. Iyon ang unang pagkakataon na nakainom ako nang malaya. Dati patagu-tago dahil magagalit sina tatay at nanay. Hindi pa raw ako dapat mag-aral uminom ng alak.
Makaraang makakain at makatagay, kanya-kanya kaming sakay sa balsa na aming ginawa.
Ang sarap sakyan ng ginawa kong balsa dahil may sahig. Humiga ako. Palutang-lutang ang balsa. Masarap dahil sa galaw ng agos. Ang mga kasamahan ko ay nakasakay na rin sa kanilang balsa. Masayang-masaya. Nagsisigawan sila.
Dahil sa kalasingan, nakatulog ako sa balsa. Hindi ko alam kung gaano katagal ako nakatulog. Ang naramdaman ko lamang ay tinatangay ang aking balsa nang malakas na agos. Lumaki pala ang tubig!
Hindi ko malaman ang gagawin dahil nasa kalagitnaan ako ng ilog. Nag-aalimpuyo ang agos. Kapag tinangay ako at bumangga sa mga kahoy na inaanod, babaliktad ang balsa at mahuhulog ako. Tiyak malulunod ako sa lakas ng agos.
Dasal ako nang dasal sa pagkakataong iyon. Sinisi ko ang sarili kung bakit uminom nang marami.
Dumidilim na ang paligid at wala pa ring tigil ang malakas na agos at tinatangay pa rin ako. Mamamatay na yata ako.
Hanggang sa makarinig ako ng sigaw sa pampang.
Ang aking tatay at may mga kasama!
(Itutuloy)