ANG capiophobia ay ang nadaramang matinding takot sa mga pulis. Ang sintomas ng capiophobia ay panginginig, pangangatal at kawalan ng kontrol. Ang karaniwang mga may capiophobia ay ang mga nakaranas ng police brutality at marahas na pag-aresto.
Ngayong nauugnay at nasasangkot ang mga pulis sa mga karumal-dumal na krimen, hindi na nakapagtataka kung magkaroon na rin ng capiophobia ang mamamayan. Sa ngayon, sa halip na protektahan ng mga pulis ang mamamayan, sila pa ang gumagawa sa mga ito ng kasamaan.
Mga dating pulis ang itinuturong pumatay sa Pampanga beauty queen Geneva Lopez at boyfriend nitong Israeli na si Yitshak Cohen noong Hunyo 21, 2024 sa Capas, Tarlac. Usapin sa isinanglang lupa ang ugat ng krimen. Nahukay ang mga bangkay nina Lopez at Cohen sa isang bakanteng lote sa Capas. Ayon sa National Bureau of Investigation, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang dalawang biktima. Natukoy ang pinaglibingan makaraang ituro ng isang mekaniko na inupahan umano ng dalawang dating pulis para i-drive ang SUV ng mga biktima. Ayon sa mekaniko, nakita niya sa backseat ang dalawang bangkay. Siya rin umano ang inutusan ng mga suspect na sunugin ang SUV ng mga biktima.
Sabi ni DILG Sec. Benhur Abalos sa press briefing sa Camp Crame, nakalulungkot na ang mga taong pinasusuweldo ng taumbayan ang sangkot sa malagim na krimen. Nakadidismaya na ang mga taong sumumpa na magpuprotekta at magsisilbi sa mamamayan ang inaakusahang pumatay. Nangako si Abalos na mananagot ang mga dating pulis na nakilalang sina Michael Guiang at Rommel Abuso na umano’y mga patrolman. Natanggal ang dalawa sa serbisyo noong 2021. Pag-aari ni Guiang ang lupa na isinangla kay Lopez.
Bakas naman sa mukha ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang pagkabigo sapagkat mga pulis na naman ang sangkot sa krimen. Sinabi niya na magpapatuloy ang paglilinis sa hanay ng PNP. Mula nang maupo si Marbil noong Abril 1, 2024, nagkasunud-sunod na ang mga problemang hatid ng police scalawags.
Ilang taon na ang nakararaan isang pulis sa Pampanga ang walang awang binaril ang mag-ina na ang ugat lamang ay ang pagpapaputok ng boga. Isang pulis din sa Quezon City ang walang awang binaril ang babaing kapitbahay dahil lamang sa maliit na alitan. Marami pang pangyayari na pumatay nang walang awa ang mga pulis.
Maghigpit ang PNP sa pagtanggap ng mga aplikante na nais magpulis. Isailalim sa psychiatric psychological examination (PPE). Huwag tumanggap ng mga aplikante na iniindorso ng mga pulitiko. Ang mga ito ang sumisira sa PNP at naghahatid sa mamamayan para magka-capiophobia.