May babala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na maging maingat at huwag maniwala sa mga nakikita sa TikTok at iba pang social media accounts na nangangako ng educational assistance at ayuda mula sa ahensiya.
Ang babala ay ginawa ni DSWD Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao na nagsabing dapat na maging mapanuri ng publiko sa mga nakikita o nababasa sa social media na hindi sa opisyal na social media account ng tanggapan.
Sinasabing ginagamit ng mga kawatan ng ilang pekeng social media account para makakuha ng personal na impormasyon na pwedeng gamitin sa online scam at pagnanakaw.
Paliwanag ni Dumlao na kailangang dumaan sa interview at assessment ng social worker upang makakuha ng financial aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Ang AICS program ay isa sa mga serbisyo ng ahensya na nagbibigay ng cash assistance para sa pagkain, pamasahe, serbisyong medikal, pampalibing at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa kanilang educational assistance, ang DSWD ay may Tara, Basa! Tutoring Program, isang reformatted educational assistance program ng ahensya na naglalayong turuan ang mga kabataang hirap o hindi marunong magbasa.
Kailangan umano na ma-check ang sources ng impormasyon online at tanging sa official government websites at social media pages lang magtungo nang huwag mabiktima ng scams.
Laging tandaan, lahat ay gagawin ng mga kawatan makabiktima lang kahit pa ng mga mahihirap nating mga kababayan ay kaya nilang pagsamantalahan.