EDITORYAL - Walang ­kinahantungan ang K-12 program

ISINABATAS ang K-12 program noong 2013 sa panahon ni dating President Noynoy Aquino. Sa simula pa lang, marami ang sumalungat sa K-12 sapagkat hindi pa ready ang Department of Education (DepEd) dito. Pero sabi ng mga nagsulong, panahon na para mabago ang sistema ng edukasyon sa bansa. Dapat makahabol ang mga kabataang Pilipino na napag-iiwanan na ng ibang bansa sa maraming larangan. Ayon pa sa mga nagsusulong, ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa sa Southeast Asia na hindi sumasailalim sa K-12 program.

Sa ilalim ng K-12 program, ang mga mag-aaral ay dadaan sa: 1 taon sa Kindergarten, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa junior high school, at 2 taon sa senior high school.

Pero nakakadismaya ang nangyari sapagkat sa loob ng 10 taon na ipinatupad ang K-12, walang nakitang pagbabago sa sistema ng edukasyon at bumaba pa ang kalidad. Sa halip na sumulong ang kaalaman ng mga estudyanteng Pinoy ay umurong pa.

Marami sa senior high school ang walang nalalaman sa mga simpleng tanong na may kinalaman sa kasaysayan ng bansa at geography. Nakakadismaya na marami ang hindi sanay sa pagbabasa. Marami ang hindi agad makaintindi sa mga simpleng tanong.

Ang kahinaan ng mga estudyanteng Pinoy sa Math, Science at Reading Comprehension ay nakita sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan nangulelat sa 81 bansa. Mababa ang nakuhang marka ng mga estudyanteng Pinoy. Mahina rin sila sa creative thinking.

Tama ang mga sumasalungat noon sa K-12 na hindi pa handa ang bansa sa ganitong sistema. Maraming problema na dapat niresolba muna gaya ng ­kakulangan ng mga silid-aralan, kakulangan sa mga mahuhusay na guro at kakulangan sa pasilidad at equipment.

Maski si President Ferdinand Marcos Jr. ay nababahala sa kahinaan ng mga estudyante sa Reading, Math at Science kaya inatasan niya si incoming Education Secretary Sonny Angara na rebyuhin ang K-12 program. Ayon kay Marcos hindi rin naging maganda ang resulta ng employability ng mga estudyante na dumaan sa K-12.

Walang kinatunguhan ang K-12 at nararapat na ngang rebyuhin at solusyunan ang mga problema. Isakatuparan ni Angara ang lahat ng ito para naman hindi mangulelat ang estudyanteng Pinoys. Sa totoo lang, walang mahinang estudyante, ang sistema at pagpapatupad nito ang problema. Magagawa naman ito dahil malaki ang budget na laan sa DepEd.

Show comments