ISANG diner sa Ocean City, Maryland ang kumikita ng ekstrang pera dahil sa ginagawa nilang sabon na nagmula sa sebo ng niluluto nilang bacon.
Noong 2022, pinag-iisipan na ni Sam Delauter na isara ang kanyang restaurant na Sunrise Diner dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin. Halos wala nang bumabalik sa kanyang puhunan dahil lahat ng mga ingredients na ginagamit sa kanilang menu ay nagmahal na ang presyo.
Ngunit isang araw, habang itinatapon niya ang sebo na pinaglutuan ng bacon ay bigla niyang natandaan ang kuwento tungkol sa lola niya sa tuhod na si Hazel Delauter. Noong panahon ng taghirap sa U.S. o The Great Depression, ang kanyang lola Hazel na mismo ang gumagawa ng sabon mula sa bacon grease.
Hiningi ni Sam sa kanyang lolo ang recipe ng sabon at pinag-aralan kung paano niya magagamit ang bacon grease ng kanyang diner para maging sabon.
Matapos ang ilang trial ang error, nakagawa si Sam ng sabong panligo at tinawag niya itong “Bumble Soap”.
Sa kasalukuyan, kumikita si Sam ng $10,000 bawat taon mula sa Bumble Soap. Nakatulong ang kinikita niya para mapanatiling bukas ang kanyang diner.