MAGANDANG balita para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) .
Pinag-aaralan kasi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maitaas ang ayuda o cash grant na ibinibigay sa mga ito.
Katunayan ay nakipagpulong na ang DSWD sa National Economic and Development Authority (NEDA) para sa posibleng pagkakaroon ng mas mataas na halaga ng ayuda sa mga benepisyaryo.
Ayon kay DSWD Asst Secretary JC Marquez, tagapagsalita ng DSWD na pinaplantsa pa nila kung ilang porsyento ang maaaring itaas sa matatanggap na ayuda ng 4Ps beneficiaries.
Sakali namang maaprubahan ito, maaaring sa susunod na taon pa maisama ang umento sa ayuda.
Kaugnay nito, kasama rin sa pinag-aaralan ng DSWD ang mekanismo para maging awomatiko na ang adjustment ng cash grant sa 4Ps lalo na kung mataas ang inflation o presyo ng bilihin at serbisyo.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang mga paraan partikular na sa 4Ps para makatugon sa epekto ng inflation sa mahihirap na Pinoy.
Sa kasalukuyan higit P700 halaga kada buwan ang tinatanggap ng isang benepisyaryo ng 4PS.
Kung susumahin talaga namang kulang na kulang ito.
Pero ika nga kahit papaano ay makakatulong sa kanilang pangangailangan.