MATALINO man ang matsing ay mapaglalangan din. Ito ang matandang kasabihan na maaring gawing halimbawa sa kaso ni Dennis Alon, alyas Boss, 33. Si Alon ay isang talamak na drug pusher na namumugad sa Islang Puting Bato sa Tondo, Manila. Itong lugar mga kosa ay napaligiran ng tubig at mayroon lang na tinatawag na “one way in” at “one way out.” Get’s n’yo mga kosa?
Sinabi ni Brig. Gen. Arnold Thomas “Tom” Ibay, Manila Poslice Director (MPD) na maraming beses nang nagsagawa ng operations para maaresto si Alon subalit palaging umuuwing luhaan ang mga pulis. Bakit? Kasi nga, ani Ibay, kapag nakita ni Alon na dumarating na ang mga pulis, may nakaabang siyang bangka na ginagamit niya sa pagtakas patungong Baseco, Parola at Tondo. Dipugaaa! Hehehe! Matalino talaga si Alon, ‘no mga kosa?
Kaya lang kahit kasing talino ng matsing si Alon, napaglalangan din siya ni Lt. Col. Alvin Christopher “Ace” Baybayan, ang hepe ng DelPan Police Station ng MPD. Naging malaking hamon para kay Baybayan si Alon kasi ang lahat ng mahuhuli nilang drug pusher at user ay ang bida natin ang itinuturong source.
Dahil sa ilang beses ding naunsiyami ang operation nila laban kay Alon, nag-isip ng estrahiya si Baybayan para ma-pong siya at mabawasan ang drug pushers sa kanyang sakop. Sa isang linggongg pagplano, nakakuha ng ideya si Baybayan kung paano mapaglalalangan si Alon. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon kay Ibay, nag-hire ng apat na bangka si Baybayan para sa dagat dumaan at hindi mapansin ni Alon ang kanilang pagdating. Ang malaking bangka ay P2,500 ang renta at ang talong maliliit ay tig-P2,000 naman. Hindi pa kasama NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Sir ang gasolina na tig-P2,000 kada bangka. Eh di wow! Paluwal muna si Ibay. Magastos din talaga ang operation laban sa droga, ‘no Gen. Nartatez Sir? Hehehe! Sulit naman ang ginastos!
Mga bandang 4:30 a.m. nang umarangkada ang Station Drug Enforcement Unit ng DelPan Station sa pangunguna ni Capt. Tristan de Lara. Bumili ng halagang P5,000 na droga ang tauhan ni De Lara, gamit ang boodle money at nalambat si Alon, na isang miyembro ng Batang City Jail. Ayon kay Baybayan, nakumpiska pa ng tropa ni De Lara ang 105 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P714,000, caliber 9mm pistol, isang hand grenade at sling bag. Nabigla si Alon at hindi nakapanlaban. Buti naman, kundi malayo ang mararating n’ya, di ba mga kosa? Ang sakit sa bangs nito!
Sa kanyang report kay Ibay, sinabi ni Baybayan na si Alon ay kalalabas lang sa kulungan nitong first quarter ng taon sa kasong drug pushing. Subalit imbes na tumino dahil sa sobrang hirap ng buhay sa loob, abayyy minabuti niyang bumalik sa dating gawi. Kaya nasama sa drug watchlist ng MPD si Alon. Tsk tsk tsk! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon pa kay Baybayan, binabagsakan si Alon ng droga ng taga-Cavite at ang isang bulto o limang gramo ay nagkakahalaga ng P8,000. Tatarahin ito ni Alon sa tig-P100 na sachet at ang isang bulto ay kikita siya ng P8,000. Sanamagan!
Kinasuhan na si Alon sa Manila prosecutor’s office. Magtatagal siya sa pagbabalik kulungan dahil ang possession ng hand grenade ay no bail. Abangan!