DALAWANG beses nang nagbabala si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga pulis na nagmu-moonlighting bilang security escort ng mga mayayamang tao o VIPs. Sinabi niya na mahaharap sa disciplinary action ang mga pulis na mapapatunayang gumagawa nito at maaring masibak sa puwesto.
Mariing sinabi ng PNP chief na dapat ituon ng mga pulis ang paglilingkod sa mamamayan at hindi sa mga taong nagbabayad nang malaking halaga para masiguro ang kanilang kaligtasan. Ang mga pulis ayon kay Marbil, ay dapat nakahanda sa lahat ng oras para sa pangangailangan ng publiko at hindi sa mga mayayaman at importanteng tao.
Maraming pulis ang nagmu-moonlighting at matagal na itong ginagawa. Ngayon na lang nabubulatlat. Kahit mataas na ang sahod ng mga pulis, patuloy pa rin silang nagsa-sideline bilang bodyguard o security escort ng mga mayayamang tao o VIPs. Ngayon pati ang pag-eeskort sa mga Chinese na opisyal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay pinasok na rin. Malaki ang kinikita ng mga pulis na nag-eeskort sa POGO official na umaabot umano sa P40,000 buwan-buwan. Noong nakaraang buwan, dalawang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang sinibak sa puwesto dahil sa pag-eskort sa Chinese na opisyal ng POGO na nakatira sa Ayala-Alabang. Ang dalawang SAF ay nakadestino sa Mindanao pero narito sa Metro Manila at binantayan ang Chinese. Sinibak din ang siyam na superiors ng dalawang SAF troopers.
Noong nakaraang buwan din, isang pulis at isang sundalo ang nahuli ng HPG sa Macapagal Blvd. habang nag-eeskort sa black Alphard na kinalululanan ng isang Chinese na nag-ooperate din ng POGO sa Parañaque. Gamit pa ng dalawang escort ang motorsiklo na may PNP markings. Sinampahan ng kaso ang dalawa dahil sa pagsusuot ng HPG uniform.
Hindi lamang sa pag-eeskort sa VIPs at POGO officials ang ginagawa ng mga pulis kundi pati ang pagbabantay sa money changer shops. Hindi na nagagawa ang kanilang tungkulin sapagkat nabubuhos sa kanilang pagmu-moonlighting.
Itinaas ang sahod ng mga pulis noong 2016 sa utos ni dating President Duterte. Pag-upo ni Duterte, ang pagbibigay agad ng mataas na suweldo sa mga pulis at sundalo ang kanyang pinrayoridad. Pero sa kabila nang mataas na sahod—ang Patrolman ay sumasahod ng P31,000—patuloy pa rin sila sa pagmu-moonlighting. Balewala ang pinagkaloob na suweldo. Naghangad pa sila nang malaking kita na kahit illegal ay pinapasok gaya ng pag-recycle ng shabu.
Inaasahan ng mamamayan na ang babala ni Marbil ay tatalab sa kanyang mga pulis na nagmu-moonlighting. Inaasahan na ang paglilingkuran ng mga pulis ay ang mamamayan at hindi ang mga taong makapal ang bulsa dahil sa pera.