NAKAKATAKOT ang natuklasan ng mga awtoridad na may mga driver at konduktor ng pampasaherong bus na bumabatak ng shabu habang bumibiyahe. Kahapon, sinalakay ang isang terminal ng bus sa Parañaque at nakuha mismo sa mga bus ang drug paraphernalia na ginagamit sa pagsinghot ng shabu. Dinampot ang mga driver ng bus at kondukor at isinailalim sa drug tests. Ang pagsalakay sa bus terminal ay ginawa dahil sa reklamo ng mga concerned na pasahero na nakikita nilang bumabatak ng shabu ang driver at konduktor habang bumibiyahe sa EDSA.
Noong nakaraang Marso 25, 2024, dalawang bus drivers ang nagpositibo sa shabu sa ginawang random drug test sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX). Biyaheng Cavite ang bus na minamaneho ng dalawang nagpositibo sa paggamit ng shabu. Kinumpiska ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng dalawang drayber. Isang taon na suspendido ang dalawang drayber at sasailalim sila sa rehabilitasyon.
Natatandaan ko, noong Abril 2019, 53 transport workers ang nagpositibo sa shabu sa isinagawang drug tests ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ito ang pinakamaraming naitala na gumagamit ng illegal drugs sa hanay ng mga manggagawa sa transportasyon partikular ang bus. Ayon sa PDEA, 35 bus drivers, 17 bus conductors at isang dispatcher ang nagpositibo sa paggamit ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Maraming aksidente sa kalsada ang nagaganap araw-araw na karamihan ay kinasasangkutan ng mga bus. Hindi lamang sa Metro Manila may nagaganap na trahedya kung saan bumabangga ang bus sa kasalubong na sasakyan at may mga nahuhulog sa bangin.
Malaki ang paniwala ko na lango sa droga ang drayber kaya nangyari ang trahedya. May mga bus driver na umamin noon na bumabatak sila ng shabu para matagalan ang magdamagang biyahe. Para hindi antukin, gumagamit sila nito.
Nakakakatakot kung ang masasakyang bus ay minamaneho ng bangag na driver. Kawawa naman ang mga pasahero na walang kamalay-malay na ang sinasakyan nilang bus ay patungo sa hukay.
Paigtingin ng LTO ang regulat na pag-drug tests sa mga bus driver at konduktor. Ang LTO kasi, ningas-kugon sa random drug test. Isagawa ito nang madalas para hindi malagay sa panganib ang mga pasahero.