Eto na naman at may bubusisiing panibagong umano’y ‘kaltas’ ayuda o cash assistance na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bagama’t sa ngayon ay itinuturing pa itong isolated case at wala pang basehan para sabihin na kalat sa buong rehiyon, gayunman magsasagawa pa rin ng kaukulang imbestigasyon ang ahensya.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Irene Dumlao, batay sa natanggap na report, isang umanoy coordinator na nagtatrabaho sa isang local official ang umanoy nagkaltas ng P9,300 mula sa P10,000 halaga financial assistance na natanggap ng tatlong beneficiaries ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Cagayan de Oro City.
Makikipag-ugnayan umano ang ahensya sa Field Office nito sa Northern Mindanao, na siya ring nakikipag-usap sa mga complainants upang asistehan ang mga ito sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.
Nagbabalang muli ang ahensya sa mga gumagawa nang pagkaltas sa mga grants na tinatanggap ng AICS beneficiaries na kakasuhan ang mga ito kapag napatunayang totoo ang bintang sa kanila.
Grabe ang mga ito na pinagsasamantalahan ang benepisyo na dapat matanggap ng mga nangangailangan nating kababayan.
Dapat sa mga sangkot dito, ibiting patiwarik.