‘Ugly Duckling’
SA sariling pananaw ni Hans Christian Andersen ay pangit siya kaya bininyagan niya ang sarili na isang “Ugly Duckling”. Ang paniwala niyang ito tungkol sa sarili ay inilabas niya sa pamamagitan ng paglikha ng isang kuwento na may pamagat na Ugly Duckling.
Nagkaroon siya ng persepsiyon na pangit siya dahil sa kanyang hitsura—matangkad na payat at may mahabang ilong. Lalong nagpatibay ng kanyang paniwala na totoong pangit siya nang matuto siyang manligaw. Ayon sa kanyang pagkukuwento, lahat daw ng babaing ligawan niya ay binabasted siya. Sa kabila ng kanyang mapait na karanasan sa pag-ibig, si Hans ay nakalikha ng 156 na kuwento bago binawian ng buhay noong 1875.
Ipinanganak siya sa isang maliit na kuwarto kung saan doon na sila natutulog, kumakain at naglalaro noong 1805 sa Denmark. Anak siya ng labandera at ng isang pangkaraniwang shoemaker.
Nagtrabaho si Hans sa teatro bilang actor, dancer, artist, singer na kakarampot ang kinikita kaya kinaibigan niya ang theater director para tulungan siyang maihanap ng scholarship para makapag-aral. Nagsisimula na siya noong magsulat at nabasa pala ng director ang kanyang mga kuwento.
Kinakitaan siya ng potensiyal kaya sumulat ang theater director sa Hari ng Denmark para ihingi ng tulong si Hans. Nakapag-aral siya sa isang unibersidad sa Copenhagen at pagkalipas ng ilang taon ay binigyan ng siya ng hari ng pera para makapaglakbay sa iba’t ibang bansa.
Naniniwala ang hari na makakatulong ito para lalong mapagbuti ni Hans ang kanyang pagsusulat. Sa mga karanasan niya sa paglalakbay huhugutin ang iba’t ibang kuwento na hahabihin niya para sa mga mambabasa.
Ang ilan sa mga kuwentong hinabi niya mula sa kanyang paglalakbay ay The Emperor’s New Clothes, Thumbelina, The Little Mermaid, The Red Shoes at The Little Match Girl. Hindi lang kuwentong pambata ang kanyang sinulat. Sumulat din siya ng tula, dula at nobela. ‘Ugly Duckling’ man siya, wala namang kasingganda ang mga nilikha niyang kuwento na hanggang ngayon ay nagbibigay galak hindi lang sa mga Danes kundi sa lahat ng tao sa buong mundo.
- Latest