Dear Attorney,
Puwede ba akong magsampa ng libel kahit base ito sa mga messages sa private group chat namin ng mga katrabaho ko? May messages kasi roon na naninira sa akin. —Dane
Dear Dane,
Nabanggit mo na ang private group chat niyo ay para sa inyo ng mga katrabaho mo kaya ipagpapalagay ko na ang private group chat na ito ay sa pagitan ng higit sa dalawang tao. Mahalagang linawin ang puntong ito dahil kung sa pagitan n’yo lamang ng taong naninira sa iyo ang private group chat na tinutukoy mo ay maaring hindi matawag na libel ang mga mapanirang mensahe laban sa iyo.
Upang masabing may libel kasi mapa-online man ito o hindi, kailangan ang tinatawag na publication bilang isa sa mga elemento ng krimen. Masasabing na-publish ang isang mapanirang akusasyon kung may third person o ibang tao na nakabasa ng mga mapanirang salita bukod sa nagsulat at sa pinatutungkulan nito.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Alonzo v. Court of Appeals [311 Phil. 60, 73 (1995)], hindi mahalaga sa krimen ng libel kung nabasa ba o hindi ng pinatutungkulan ang mga paninira sa kanya. Ang mahalaga ay may ibang nakabasa o nakaalam nito bukod sa kanya dahil wala namang reputasyon na nasira kung ang tanging nakabasa ng paninira ay ang indibidwal na pinatutungkulan nito. Ang reputasyon kasi ay hindi naman nagmumula sa opinyon ng isang tao ukol sa kanyang sarili kundi sa pagtatantya o pagtingin ng ibang tao sa kanya.
Kaya kung bukod sa iyo at sa gumawa ng mga mapanirang messages ay may iba pang kasali sa tinutukoy mong group chat at kaya mong patunayan na nabasa rin nila ang mga paninira laban sa iyo, maaring pagbasehan ang mga nasabing messages ng libel kahit pa sabihing sa isang “private group chat” nailathala ito.