ISANG 95-anyos na magsasaka sa United Kingdom ang hindi makapaniwala nang maibalik sa kanya ang nawawala niyang Rolex watch makalipas ang 50 taon!
Noong 1950, niregaluhan ni James Steele ang kanyang sarili ng Rolex watch para sa kanyang 21st birthday. Napakinabangan niya ito sa mahabang panahon ngunit makalipas ang 20 taon, naiwala niya ito habang nagtatrabaho sa kanyang bukid sa Shropshire, England.
Malaki ang hinala niya na nahulog ito mula sa kanyang kamay habang nagpapakain ng mga alagang baka. Nang sinubukan niyang hanapin ito sa lugar kung saan niya pinakakain ang mga baka, hindi na niya ito nahanap at inisip na lang niya na maaaring nakain ito ng kanyang mga baka.
Ngayong 2024, lumapit ang metal detectorist na si Liam King sa apo ni Steele at humingi ito ng permiso na mag-treasure hunt sa bukid nila. Pinahintulutan nila ito at sa tulong nito ay nahanap nito ang Rolex watch ni Steele.
Hindi na gumagana ang relo at ang leather bracelet nito ay nawala na. Pero ang nakahahanga rito ay bahagya lamang itong kinalawang. Wala nang balak ipaayos ito ni Steele sa pangambang mahal ang kanyang magagastos sa repair nito. Ang gusto na lang niya ay idisplay na lang ito bilang remembrance.