Nagbebenta ng baril ang mga militar? May bago pa ba riyan? Ang katanungan na ito ay kumalat matapos mamatay sa engkuwentro ang isang barangay chairman sa isang buy-bust operation ng CIDG sa Lanao del Sur noong Sabado. Ang masaklap, may kasama ang biktima na mga naka-uniporme ng militar.
Sa report na natanggap ni CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco, ang isang suspect na naka-type B uniform ng AFP ay tumakbo pa sa loob ng detachment ng Army. Araguyyy! Tsk tsk tsk! Walang magandang patutunguhan ang insidenteng ito sa samahan ng PNP at AFP sa Lanao del Sur, di ba mga kosa? Mismooo! Hehehe! Ang sakit sa bangs nito.
Sinabi ni Francisco na nakipagkasundo ang CIDG sa Lanao del Sur at ang kampo ni Billy Jack Ogca, chairman ng Brgy. Poblacion, Balabagan para sa bentahan ng dalawang M-16 Armalite rifles at dalawang M-14 rifles sa halagang P500,000.
Napagkasunduan ng magkabilang kampo na magkita sa gasoline station sa Brgy. Upper Itil, Balabagan ng bandang 11:30 a.m. hanggang 7:35 p.m. Pinaligiran ng mga tauhan ni Lt. Col. Ariel Huesca, ng CIDG Lanao del Sur ang gasoline station at maya-maya dumating ang isang Toyota Pick-up at motorsiklo sakay ang mga suspect. Kaya lang, hindi natuloy ang bentahan dahil napansin ng mga suspect na mga pulis ang kausap nila. Araguyyy! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon kay Huesca, nagpaputok ang mga suspect na gumanti naman kaagad ang mga tauhan niya. Tinamaan si Ogca at hindi na nito nakuhang lumabas pa ng Toyota pick-up na may plakang ABQ 9453. Ang dalawang kasama niya na naka-full military uniform ay tumakbo sa talahiban sa gilid ng gas station. Sumunod sa kanila ang isang naka-sibilyan, ang driver ng motorsiklo at babaeng backrider.
Samantalang ang isang naka-type B military uniform ay tumakbo papasok sa detachment ng 2nd Platoon. 3rd LDS CAA Company, Delta Company 32IB, 11D PA, na may lima hanggang pitong metro ang layo sa gas station. Sa report ni Buesca kay Francisco, kinumpromta nila ang duty personnel ng military base para isuko ang suspects subalit sinabi nito na wala siyang nilalang na pumasok sa detachment. Dipugaaa! Iwas-pusoy si Sir! Hehehe! Kanya kanyang gimik lang ‘yan!
Si Ogca ay dinala sa ospital kung saan siya ay namatay habang ginagamot. Ayon kay Francisco, nakumpiska sa pinangyarihan ng insidente ang Toyota pick-up na may tama ng bala, tig-dalawang M-16 at M14 rifles, dalawang caliber .45 pistols, mga magazines at assorted na bala at P500,000 boodle money.
Nakuha sa possession ni Ogca ang Armscor cal. 45 pistol, magazine at bala. Tsk tsk tsk! Bakit kasi pinasok pa ni Sir ang pagbebenta ng baril at nadiskaril tuloy siya. Mismooo!
Idinagdag pa ni Francisco na ang CIDG operating units ay iniskortan pa ng kalapit na mga police station sa kanilang pag-uwi sa kanilang headquarters sa pangambang ma-ambush sila. Matiwasay naman silang nakarating.
Samantala, ang SOCO units na nag-process ng encounter site ay pinaputukan sa malayo ng mga di-kilalang suspects. Eh di wow! Hindi naman natinag ang taga-SOCO dahil maraming pulis na nakapaligid sa kanila. Ambot sa kanding nga may bangs!
At higit sa lahat, walang kawala ang mga suspects, dahil ang CIDG team ay armado ng alternative recording device, ani Francisco. Abangan!