Dear Atty.,
Legal po ba sa employer ko na ilagay sa kontrata na 60 araw dapat mag-render matapos magbigay ng notice of resignation? Gusto ko po sanang 30 days lang katulad ng alam kong nakalagay sa batas. —Annie
Dear Annie,
Ang 30 days rendering period na nakalagay sa Labor Code ay applicable lamang kung walang nakasaad sa employment contract kung ilang araw dapat mag-render ng serbisyo ang empleyado matapos siyang makapagbigay ng notice of resignation. Kung mayroon nang nakasaad na rendering period sa employment ay iyon na dapat ang sundin ng empleyado, mas mahaba man ito sa 30 araw na sinasabi ng batas.
Kaya legal naman ang paglalagay ng 60 araw na rendering period, basta malayang nagkasundo ang empleyado at employer ukol dito. Maari kang makipag-negosasyon para mapaikli ito pero kung sa huli ay hindi pumayag ang employer ay wala kang ibang magagawa kundi pumirma sa kontrata at sundin ang lahat ng probisyon nito o hindi tanggapin ang alok na trabaho.
Ibang usapan naman kung matagal ka na sa trabaho at ngayon lang ginawa ng employer na 60 days ang rendering period. Hindi basta-basta maaring baguhin ang mga napagkasunduan sa isang kontrata kaya may karapatan kang hindi sumunod sa 60 days na rendering period kung hindi naman iyan ang napagkasunduan n’yo ng iyong employer noong pinirmahan mo ang iyong employment contract.