LOVERS na sila noong high school pa lang. First love nila ang isa’t isa. Kaya lang, seloso ang lalaki kaya pagdating ng college ay nagkahiwalay sila. Pareho silang nagkaroon ng di mabilang na karelasyon. Ilang taon ang lumipas, nagkasalubong na naman ang kanilang landas. Ang nalantang pag-ibig, biglang sumigla’t nanariwa, kaya’t nagkabalikan ang dating magnobyo.
Noong panahong nagkabalikan sila ni First Love, may boyfriend noon si Girl. Titibok-tibok pa rin ang puso ni Girl kay First Love kaya kahit kasalukuyang may boyfriend ay pumayag itong makipagbalikan sa kanyang First Love. Hindi alam ng dalawang lalaki na pinagsabay sila ni Girl.
Dumating ang panahong nabuntis si Girl nang wala sa panahon. Sa biglaang pag-iisip, nalilito siya kung sino ang ama ng ipinagbubuntis niya dahil pareho niyang nakatalik ang dalawang boyfriends. Pero pagkatapos himayin ang mga detalye: kung kailan huminto ang kanyang monthly period, ang petsa at buwan ng pakikipagtalik niya sa dalawang boyfriends, dumating siya sa final conclusion na si Present boyfriend ang ama ng kanyang ipinagbubuntis at hindi si First Love.
Pero gusto niyang ipaangkin ang bata kay First Love dahil ito ang mahal niya at gustong maging forever. So kinausap niya si Present boyfriend at sinabing mag-break na sila dahil nagkabalikan sila ng kanyang First Love. Wala siyang binanggit tungkol sa kanyang pagbubuntis. Sunod niyang kinontak ay si First Love.
“Hon, I’m pregnant” lungkot-lungkutang balita ni Girl kay First Love.
“Really?” natutuwang sagot sa kabilang linya. “Puntahan kita ngayon at nang magpakasal na tayo ngayon din. Ayoko nang mawala ka pa sa akin.”
Pagkatapos magpakasal sa huwes ay nagkaroon din ng church wedding. Nanganak si Girl. Dito nagsimulang magbilang si First Love. Saka lamang siya nag-isip na magkuwenta mula nang magtalik sila ni Girl hanggang sa isilang ang sanggol. Sa kanyang pagsusuma, buntis na si Girl bago pa lang sila magtalik. Lihim niyang tinanong ang doktor na nagpaanak:
“Premature ba ang anak ko?”
“Hindi. Husto siya sa buwan, full term. Kung kulang, dapat ay nasa incubator siya.”
Kung gaano kabilis ang lalaki na magpasyang pakasalan ang babae, ganoon din siya kabilis sa pakikipaghiwalay kay Girl. Basta’t isang araw, hindi na lang ito umuwi sa bahay. Nag-iwan na lang siya ng maikling note kay Girl:
“Kung sa umpisa pa lang ay naging matapat ka, matatanggap ko siguro ang bata kahit hindi ako ang ama.”
“In a relationship, don’t try to be perfect, just be honest.” —Unknown author