Bagay na natutuhan mo sana noon pa (Part 2)
• Bigyan ng second chance ang isang tao pero huwag na ang ikatlo. Kapag umulit sa ikatlong pagkakataon ang isang tao, hindi na iyon pagkakamali, “habit” na ang tawag doon. Habit na niya ang gumawa ng mali.
• Sa workplace, kung alam mo namang karapat-dapat ka sa promotion, dangan nga lang at hindi ka napapansin, walang masama kung hingin mo ito sa management. Tandaan, ang bibig na nakasara ay hindi nasusubuan ng pagkain.
• Huwag makinig sa payo ng taong hindi mo pinangarap na maging siya.
• Mag-aral kahit isang dance move sa pamamagitan ng panonood sa YouTube. Mabuti na ‘yun handa ka kapag napasubong pasayawin sa office party, weddings, events.
• Kung mahirap kang makatulog, gawin ang 4-7-8 method. Inhale ng 4 seconds. Pigilin ang paghinga ng 7 seconds. Mag-exhale sa loob ng 8 seconds.
• Kung sakto lang ang sinusuweldo para sa pang-araw-araw na pangangailangan, huwag na huwag matutuksong kumuha ng credit card. Gawing mantra ito: Kung walang cash, huwag bumili. Pinakamasakit gawin ay binabayaran mo pa ang mga pagkaing matagal mo nang “itinae”. Sa grocery kasi madalas ginagamit ang credit card.
• Iwasan ang palusot na : Pang-emergency lang ang credit card. Noong panahon ng Hapon at Kastila, walang credit card ang ating mga ninuno pero hindi tumigil ang buhay nila.
• Tuwing susuweldo, magtago ng amount na hindi naman makakabigat sa iyong budget. Ihulog kaagad ito sa banko. Ihulog sa alkansiya ang mga baryang naiipon sa iyong bag. Pagdating ng Christmas season, ito ang ipambigay mo sa carolers at mga batang namamasko.
• Kung kailangan mong gumawa ng mabigat na desisyon, maghintay ng 24 hours bago ito isagawa.
- Latest