GINUNITA noong Miyerkules ang ika-126 na taon ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila. Ang paggunita ay eksakto naman sa lumalalang tensiyon sa West Philippine Sea at ang pamamayagpag ng Philippine offshore and gaming operators (POGOs) na pawang banta sa seguridad ng Pilipinas. Patuloy ang pangha-harass ng China Coast Guard sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino. Nagbanta ang China na aarestuhin at ikukulong ng 60 araw ang mahuhuling papasok sa kanilang karagatan.
Habang nanggigipit ang CCG, patuloy ang pagdami ng POGOs at nagiging banta na sa seguridad sapagkat pawang mga sindikato ang nag-ooperate. Nabatid na ang mga empleyado ng POGOs ay may mga criminal record sa China.
Matapos mabisto ang illegal POGOs sa Bamban, Tarlac na nasa compound na pag-aari umano ni Mayor Alice Guo, isa pang malaking POGO hubs sa Porac, Pampanga ang sinalakay ng PAOCC. Ang POGO hubs ay nasa 10 ektaryang lupain at may 46 na gusali. Natambad ang maraming computers, laptops, iba’t ibang gadgets at mga makabagong gamit. Nakakumpiska rin ng pera, sex toys at mga uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.
Unang sinalakay ng PAOCC ang POGO hubs sa Porac noong Hunyo 2 nang makatanggap sila ng report na may mga foreign nationals na humihingi ng tulong. Nakakuha sila ng search warrant sa RTC sa Bulacan, subalit hindi naipagpatuloy ang pag-search dahil may mga nakikialam umanong pulitiko. Dahil sa pagkaantala ng pagsalakay, nakatakas ang mga nasa POGO hub.
Nang makakuha ng bagong search warrant sa Nueva Ecija RTC ang PAOCC saka naipagpatuloy ang pagsalakay. Nakita sa sinalakay na gusali ang torture chamber. Ayon sa PAOCC, pinahihirapan ang mga empleyado na hindi nakakaabot sa quota. Isang Chinese ang na-rescue ng PAOCC. Maraming sugat sa katawan ang Chinese na halatang sumailalim sa torture. Nakaposas umano sa base ng kama ang Chinese nang ma-rescue ng PAOCC.
Mas maraming natuklasan sa POGO hubs sa Porac kaysa Bamban. Nakapagtataka rin na parang hindi sa POGO operation ang mga gamit na nakita sa POGO hubs sa Porac—mas angkop sa pang-eespiya. At bakit may mga natagpuang uniporme ng PLA? Nakababahala ito na maaaring nakapasok na sa bansa ang mga sundalo ng China at nagmamanman na sa galaw ng mga Pilipino.
Buwagin na ang POGOs. Ito ang nararapat gawin ng pamahalaan upang makaiwas ang bansa sa kaguluhan. Ito rin ang sigaw ng mga senador at mga kongresista. Huwag nang panghinayangan ang kinikita umano sa POGO na hindi rin naman nakakatulong sa ekonomiya. Palayain ang Pilipinas sa POGO.