MAY mga jeepney driver na nanghihiya at nanlalait ng pasahero. Hindi katanggap-tanggap ang kanilang ginagawa. Wala silang karapatan na magsalita nang masasakit at hindi karapat-dapat sa pasahero. Lalo nilang pinabababa ang sarili sa ginagawa. Dapat malaman ng mga jeepney driver na nanghihiya na kung hindi dahil sa pasahero, wala silang pagkakakitaan. Sa pasahero sila umaasa ng ikinabubuhay. Kaya sa mga pasahero na nakakaranas ipahiya o lait-laitin ng jeepney driver, ipagbigay-alam agad ito sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maipatawag ang walang modong driver para maturuan ng leksiyon. Dapat sa mga ganitong driver ay binabawian ng lisensiya para hindi na makapagmaneho. Kung hindi ganito ang gagawin, marami pang mangyayaring pang-aabuso ng jeepney driver.
Nag-viral sa social media ang video kung saan sinisingil nang doble ng jeepney driver ang isang 29-anyos na pasahero dahil overweight umano ito. Nang ayaw magbayad nang doble ang pasahero, inutusan itong bumaba. Katulong pa umano ang asawa ng jeepney driver sa pagpapababa sa pasahero. Nilait-lait umano ng driver at asawa nito ang pasahero at sinabihan pang kaya napa-flat ang gulong ng kanyang sasakyan ay dahil mabigat ang pasahero.
Nakilala ang jeepney driver na si Romeo Guerrero na nagmamaneho ng jeepney na may plakang NWJ 221. Ang operator ng jeepney ay nakilalang si Flora Magtibay ng Double A Transport Corporation.
Nagpalabas ng “show cause order” ang LTFRB sa dalawa. Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, pinagpapaliwanag ang dalawa kung bakit hindi maaaring managot sa pagkakaroon ng discourteous driver, bigong magpasakay ng pasahero at paglabag sa safe spaces in public transportation.
Dapat patawan ng kaparusahan ang driver sa inasal nito sa driver. Hindi na nakapagtataka kung bakit dapat na talagang lusawin ang jeepney. Marami sa mga driver ang bastos at walang modo at hayagang pinapahiya ang kanilang pasahero. Huwag nang payagan na magmaneho ang mga driver na ganito.