Maid of Honor (146)

Napadako sa malalim na bahagi ng dagat si Inah. Ang hanggang baywang na tubig ay naging lampas tao na. Sisinghap-singhap siya. Lulubog-lilitaw siya. Pinilit niyang ikampay ang kanyang mga paa at kamay at nagpalutang. Pero isang malaking alon ang rumagasa at natangay siya. Mabuti at tinangay siya sa mababaw na bahagi. Nakahinga nang maluwag si Inah. Kung hindi dumating ang alon ay baka napalaot siya. Marami nang pangyayari na may mga nalunod dahil napunta sa malalim na bahagi o hindi pantay na seabed. Karamihan sa mga nalulunod ay pinulikat.

Humihingal pa siya nang makarating sa dalampasigan. Naupo siya sa buhanginan. Hindi na siya maliligong mag-isa. Nangyari na rin ito sa kanya noong nasa high school sila ni Yana. Mabuti at kasama niya sa paliligo si Yana at nahila siya sa mababaw na bahagi. Marunong lumangoy si Yana.

Nang umuwi, ikinuwento niya sa kanyang itay at inay ang nangyari.

“Huwag ka nang maliligong mag-isa, Inah. Kung maliligo ka ay isama mo ako at babantayan kita,’’ sabi ng kanyang itay.

“Opo. Sinubukan ko lang naman kung masarap maligo e bigla napunta ako sa ilalim.’’

“Huwag ka na munang lulusong.’’

“Opo.’’

Umuwi si Yana sa probinsiya. Nagtungo sa ibang bansa sina Honor, Bianca at mga bata. Sa halip na sumama sa mag-anak, pinili ni Yana na umuwi sa probinsiya habang nasa bakasyon ang mga amo.

Gulat na gulat si Yana sa beach resort ni Inah.

“Ginulat mo ako Inah, ang ganda na pala ng resort mo,’’ sabi nito habang namamasyal sila sa dalampasigan.

“Unti-unti ang pagpapaganda, Yana.’’

“Dadagsain ito ng mga tao, Inah.”

“Palagay ko nga sa summer vacation ay mapupuno ito!’’

“Sinuwerte ka, Inah! Natutuwa ako sa kapalaran mo.’’

“Salamat, Yana.’’

(Itutuloy)

Show comments