EDITORYAL - Walang pakiramdam si Alice Guo

ABOT-TANAW lamang mula sa munisipyo ng Bamban, Tarlac ang Baufo compound kung saan nag-o-operate ang Hong Sheng Gaming Technology Incorpo­rated at Zun Yuan Technology Incorporated, mga illegal POGOs na sinalakay ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Marso.

Dalawang beses sinalakay ng PAOCC ang compound dahil sa reklamo na may nagaganap na human trafficking sa compound. Isang Vietnamese ang nakatakas at nakapagsumbong sa mga awtoridad noong Pebrero. Kasunod ay ang request naman ng Malaysian Embassy sa mga awtoridad na mayroong Malaysian na pinipigil at pinupuwersang magtrabaho ng Chinese company sa isa sa mga gusali sa Sitio Pag-asa, Annupul Village sa Bamban. Dalawang search warrants ang inisyu ng regional trial court ng Bulacan. Sinalakay ang mga gusali at na-rescue ang 371 Pilipino, 427 Chi­nese, 57 Vietnamese, walong Malaysians, tatlong Taiwanese, dalawang Indonesians at dalawang Rwandans. Lahat sila ay nagtatrabaho sa illegal POGOs.

Ang lubhang nakapagtataka, walang nalalaman ang mayor ng Bamban na si Alice Guo sa operasyon ng POGOs base na rin sa kanyang mga sagot sa imbestigasyon ng Senado. Wala siyang alam sa POGOs. Ito ay sa kabila na malapit lamang ang POGO sa munisipyo ng Bamban.

Wala bang pakiramdam si Mayor Guo na hindi nala­laman ang mga nangyayari sa kanyang nasasakupan? Hindi ba niya naamoy na maraming dayuhan sa mga gusaling malapit sa munisipyo at pinupuwersang pag­trabahuhin ng illegal POGOs?

Noong Lunes, ipinatupad ng Office of the Ombuds­man ang suspension kay Guo at sa mga opisyal na sina Edwin Ocampo at Adenn Sigua. Anim na buwan­ silang suspendido na walang suweldo. Ang utos ng Ombuds­man ay kaugnay sa isinampang reklamo ng Department of Interior and Local Government (DILG). Inakusahan ng DILG sina Guo ng grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Walang kaalam-alam si Guo na may nagaganap na human trafficking sa kanyang nasasakupan. Dapat magsagawa pa nang malalimang imbestigasyon ukol kay Guo at magandang hakbang ang ginawa ng Ombudsman na suspendihin siya. Isang paraan ito para hindi mapanghimasukan ang paghalukay sa kanyang kaso.

Show comments