Ba’t ba ayaw pang bitawan ang POGOs?

NAKAPAGTATAKA talaga na kaliwa’t kanan ang kinasasangkutang kontrobersiya ng Philippine offshore and gaming operators (POGOs) pero patuloy pa ring kinakalong ng pamahalaan. Anong meron ba itong POGOs at ayaw bitawan? Ano bang espesyal na idinudulot nito sa bansa at ayaw suspendihin?

Parating POGO ang naririnig ngayon. POGO rito, POGO roon. Nakakakulele na ng taynga ang POGO na ito. Dati naman, walang POGO sa Pilipinas at walang nangyayaring gulo. Pero mula nang dumating ang POGO sa Pilipinas noong 2017 sa panahon ni dating President Duterte, sari-saring kontrobersiya na ang naglutangan. Nagulo ang bansa dahil sa POGO na ang iniaalok ay online gaming. Sugal ang hatid nito kaya nasa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Sabi, kumikita raw ang bansa dahil sa binabayad na tax ng POGOs. Pero sabi ng mga senador, marami sa POGOs ang hindi nagbabayad ng buwis. Marami rin umano sa mga POGOs na pagkaraang kumita rito ay nagliparan na pabalik sa China at hindi na nagbayad ng buwis. Nalugi ang pamahalaan.

Ang matindi ngayon, nasasangkot na ang POGOs sa human trafficking. Nag-eempleyo ang POGOs ng mga dayuhan, kasama ang mga Pinoy pero illegal na ang kanilang ginagawa sapagkat sangkot sila sa online scam, crypto scam at kung anu-ano pang masamang gawain.

Noong Miyerkules, isang POGO hub sa Angeles City, Pampanga ang sinalakay ng mga awtoridad at naaresto ang 187 dayuhan kabilang ang 29 na Pinoy. Sangkot umano sa human trafficking.

Hindi na bago ang ganitong pagsalakay sa mga POGOs sapagkat marami nang establisimento ang sinalakay na noon pa. Maski sa Pasay City ay marami nang POGO hub ang ni-raid.

Pero ang pinakakontrobersiya ay ang POGOs sa Bamban, Tarlac na sinalakay noong Marso 2023. Dalawang illegal POGOs ang nag-ooperate sa isang compound na nabistong pag-aari ni Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Ang POGOs ay abot-tanaw lamang mula sa munisipyo na kinaroroonan ni Guo. Sinuspinde ng Ombudsman si Guo at dalawang iba pang opisyal.

Grabe na ang mga nangyayari kaugnay ng POGOs na pati mayor ay nasasangkot. Pati mga pulis, nagsisilbing escort ng POGO official. Kaliwa’t kanan ang krimen dahil sa POGOs na kinabibilangan ng kidnapping at pagpatay ng mga kapwa Chinese.

Anong dahilan at ayaw pang bitawan ang POGOs?

Show comments