INIWAN sa ere ng China ang Chinese spy na naaresto ng awtoridad sa Makati City noong May 29 sa pag-iingat ng baril. Maraming cell phones, computer, laptop at advanced communication equipment ang nakumpiska kay Yuhang Liu, at kumpirmado na siya ay spy ng China.
Ayon kay Col. Joel Ana, ng CIDG National Capital Region ni anino ng taga-embassy ng China ay hindi nasilayan na dumalaw kay Yuhang hanggang kahapon. Subalit ang abogadong si Atty. David Michael Gabriel ay dumalaw kay Yuhang sa kulungan niya sa CIDG-NCR headquarters bandang 6:00 ng gabi noong Lunes. Si Gabriel ay may kasamang Chinese lady, subalit ayaw magpakilala at nanatili lamang sa lobby ng CIDG-NCR sa Camp Crame. Shy si lady Chinese, ‘no mga kosa? Mismooo!
Nilinaw ni CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco na ang Foreign Liaison ng PNP ang may karapatang mag-communicate sa Chinese embassy sa pagkahuli kay Yuhang. Aniya, ang lahat ng kaukulang report sa kaso ni Yuhang ay na-forward na sa Foreign Liaison kaya’t sila na ang bahala mag-communicate sa Chinese embassy sa isyu kay Yuhang.
“We cannot directly inform the Chinese embassy that we have Yuhang in custody. The appropriate communication is for the Foreign Liaison to coordinate with the Chinese embassy,” ani Francisco.
Hindi naman masabi ni Francisco kung naipadala na ng Foreign Liaison sa Chinese embassy ang mga report ng PNP sa pagkahuli ni Yuhang.
Hayan malinaw mga kosa kung bakit wala pang dalaw si Yuhang mula sa Chinese embassy ha. Hehehe! Baka naman nag-iisip pa ang police attache ng Chinese embassy ng magandang dahilan para mapalaya si Yuhang. Get’s n’yo mga kosa?
Sa totoo lang, ang Chinese spy isyu ay hindi na bago. Maging sa panahon ni ex-PNP chief Benjamin Acorda Jr. ay tinutukan na niya ito kasi nga malaking problema ito ng bansa. Sa intel report ni Acorda noon sinabi niyang di na kailangang sakupin ng China ang Pinas. Silent invasion na ang mangyayari, kapag nakontrol na nila ang political, economic and industrial and mineral resources ng Pinas, ayon sa report. Tsk tsk tsk!
Ang pangontra rito sa problema sa China ay ang awareness ng mga Pinoy sa problema. At dapat ma-identify ng mga intel operatives ng PNP at AFP ang mga “sleepers” at “enablers” ng China na nagsisiksikan na sa Pinas, maging sa mga subdivisions. Dipugaaaaa!
Ano kaya ang action nina PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at PNP DI director Maj. Gen. Westrimundo “Patrick” Obinque sa problemang ito? Basta ang Dipuga ay naghahanda na ng Chinese name para hindi na mahirapan kapag ginawa ng China na probinsiya ang Pinas. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Open secret naman ‘yan na karamihan sa mga Chinese na dumating sa bansa ay nagtatago sa POGO. Kaya tama lang ang panawagan ni Sen. Risa Hontiveros na buwagin na ang POGO dahil security threat sila sa bansa. Mismooo! Kapag ni-raid ang POGO maraming nakukumpiskang cell phone at iba pang gadgets at noong una ay hindi pinapansin hanggang uminit ang bangayan ng Pinas at China patungkol sa West Philippine Sea.
Kaya walang takot ang China na kumprontahin ang mga barko ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard dahil may advanced info sila mula sa kanilang mga spy sa Pinas? Araguyyy! Ang sakit sa bangs nito. Dipugaaaaa!
Dapat ibaling ni President Bongbong Marcos ang pansin n’ya sa Pagcor at BI dahil sila ang solution sa problemang ito na dala ng China. Abangan!