NOONG 2:30 p.m. ng Agosto 16, 1977, nadiskubreng nakahandusay si Elvis Presley sa sahig ng kanyang bathroom sa Graceland. Ang marangyang mansiyon ni Elvis Presley na matatagpuan sa Memphis, Tennessee ay bininyagan niyang Graceland. Pagkaraan ng isang oras, siya ay idineklarang patay na!
Ayaw paniwalaan ng mga nagulat na fans na patay na ang kanilang idolo. Ang unang palatandaan na hindi totoong namatay si Elvis ay ang maling spelling ng kanyang middle name. Aron ang tamang spelling ngunit Aaron ang naisulat sa lapida. Ipinagpapalagay na senyales ito na hindi si Elvis ang nakalibing dito.
Pangalawang senyales ay ang mismong bangkay nito. Ayon sa mga fans na pumila para masulyapan sa huling sandali ang kanilang idolo—hindi raw kamukha ng original Elvis ang nakahimlay na bangkay sa kabaong. Nakita ang pagkakaiba sa eyebrows, baba at mga daliri sa kamay. May nagsabi pa na waxwork dummy lang daw ang nasa kabaong. Bakit may aircon sa loob ng kabaong? Hinala ng fans ay para hindi matunaw ang estatwang yari sa wax dahil summer noon sa Memphis.
Sino ang makakalimot sa sinabi ni Colonel Tom Parker, manager ni Elvis, sa press conference kaugnay ng announcement na pumanaw na si Elvis? Ito ang kanyang sinabi na literal na binigyan naman ng meaning ng mga nalulungkot na fans:
“Elvis didn’t die. The body did. We’re keeping up the good spirits. We’re keeping Elvis alive. I talked to him this morning and he told me to carry on.”
Noong Agosto 17 sa Memphis airport, isang araw matapos mamatay si Elvis, may isang lalaking nagngangalang John Burrows ang bumili ng one way ticket papuntang Argentina. Hindi lang siya kamukha ni Elvis, kaboses na kaboses pa. Ilan lang ang nakaaalam na John Burrows ang ginagamit na alyas ni Elvis kapag nagbo-book siya sa mga hotels.
Ilang dekada na ang lumipas simula nang siya ay pumanaw ngunit may ilang insidente na nagpapatunay na siya ay buhay:
May nakakita sa kanya sa isang fast food restaurant sa Michigan.
Naging tourist spot na ang kanyang Graceland. Isang fan ang kumuha ng litrato habang nagto-tour sa paligid. Aksidenteng nakunan niya ang isang may edad nang lalaki sa bintana ng mansiyon. Nang titigan, kamukha ito ni Elvis.
May kumalat na litrato nina Jesse Jackson at Muhammad Ali noong 1984. May isang lalaki sa background na kamukha ni Elvis.
Ang sabi ng iba, “pinatay” ni Elvis ang sarili dahil pagod na siya sa kasikatan at naghahangad ng isang simple at tahimik na buhay. Kunwari man o totoo ang kanyang kamatayan, ang kanyang alaala at musika ay nananatiling buhay sa puso ng mga nagmamahal niyang tagahanga.