Dear Attorney,
Nalulugi raw po ang kompanya namin at pinapapirma po kami ng voluntary resignation. Wala raw separation pay kaming matatanggap at final pay lamang ang makukuha namin. Tama po ba ang gustong mangyari ng company namin? —Nony
Dear Nony,
Hindi tama na kayo ay papirmahin ng resignation letter kung ang pagkakatanggal n’yo sa trabaho ay hindi n’yo naman kagustuhan at ito ay bunsod ng pagkalugi ng kompanya. Ang pagre-resign ay boluntaryo dapat sa empleyado kaya walang saysay ang pagpapapirma sa inyo ng resignation letter.
Mali ring sabihin na wala kayong matatanggap na separation pay. Kung totoo ang sinasabing pagkalugi ng inyong kompanya, dapat ay bayaran kayo ng separation pay. Kung hindi naman totoo ang idinadahilan ng kompanya ay dapat kayong ibalik sa inyong mga dating posisyon kung kayo ay natanggal na at mabayaran ng karampatang backwages na katumbas ng sahod na dapat ay natanggap n’yo kung hindi lang kayo natanggal sa trabaho.
Mahalaga ring tandaan na hindi maaring gamitin ng isang employer ang pirmadong resignation letter upang makaiwas sa pagbabayad ng separation pay lalo na kung sapilitan naman ang naging pagpapapirma nito.