Maid of Honor (139)

“Saan po kaya matatagpuan si Kuya Rocky, Lolo. Kaibigan po niya ako,’’ sabi ni Inah sa matanda.

“Matagal nang hindi umuuwi si Rocky. Maski kami ritong mga kapitbahay niya ay walang nakaaalam kung nasaan siya,’’ sabi ng matanda.

“Kahit minsan po, hindi na siya nagbalik?’’

“Oo. Nagsimula iyon nung mamatay ang asawa niya dahil sa cancer. Mula nang ilibing ang asawa, hindi na umuwi si Rocky.

Marami nga kaming nag-aabang sa kanya pero bigo kami.’’

“Hindi po kaya may masamang nangyari sa kanya Lolo?’’

“’Yan din ang naiisip namin. Baka kung napaano na siya. Baka nasagasaan. Kasi may nakapagsabi na nakitang umiinom sa KTV.’’

“Baka po laman siya ng KTV, Lolo? Baka dun siya tumatambay?’’

“Hindi ko alam Ineng. Pero alam ko, matinong tao si Rocky. Maganda nga ang trabaho niya dati. Pero mula nang mamatay ang asawa e nasira na ang mga plano sa buhay.’’

“Wala po ba silang anak ng asawa niya?’’

“Wala. Siguro kung may anak sila kahit na isa e baka hindi magkakaganyan si Rocky.’’

“Kawawa naman po siya Lolo.’”

“Oo nga.’’

Nagbuntunghininga si Inah.

“E huwag ka namang magagalit, Ineng, ba’t mo ba hinahanap si Rocky.”

“Kaibigan ko po siya. Ma­laki po ang tulong na nagawa niya sa akin.’’

“Ah ganun ba? Mabait kasi si Rocky at matulungin?’’

“Oo nga po.’’

Nang may maisip si Inah.

“Mayroon pong kapatid si Rocky na pulis at isang NBI agent. Baka po alam nila kung nasan si Rocky.’’

“Wala na ang mga kapatid niya. Magkasunod na namatay. Baka isa rin yun sa dahilan kaya na-depressed si Rocky.’’

“Ganun po ba?’’

“Oo. Maraming masasakit na pangyayari ang dumating sa kanilang pamilya.’’

Nagpasalamat si Inah sa matanda at saka nagpaalam.

“Salamat po Lolo. Aalis na po ako.’’

“Sige Ineng. Dalaw ka uli rito. Ako ga pala si Lolo Pedro.’’

“Salamat po uli, Lolo.’’

Umalis na si Inah. Hindi niya alam kung saan ­hahanapin si Rocky.

(Itutuloy)

Show comments