^

Punto Mo

Talaga bang in aid of legislation?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAPAG nagsasagawa ang Kongreso (Senado o Kamara) ng mga pagdinig sa isang kontrobersiyal na tao, isyu, o pangyayari, hindi ito para hatulan ang dinirinig kung ito’y lumabag sa batas o hindi.  Tanging ang korte lamang ang may ganitong kapangyarihan at tungkulin. Ang tanging layunin ng mga pagdinig na ginagawa ng Kongreso ay upang makatulong sa paggawa ng kasalukuyang isinusulat na batas o maging ang mga isusulat pa lamang. “In aid of legislation” ang tawag ng mga mambabatas dito.

Isang napapanahong halimbawa ay ang ginagawang pagdinig ng Senado kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac dahil sa pagkakasangkot nito sa dalawang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kanyang bayan. Ang pagdinig ay para makatulong sa paggawa ng mga batas tungkol sa operasyon ng POGO.

Ngunit sa naturang pagdinig, ang nahalungkat ay ang personal na buhay ni Guo. Umalma na nga ang Filipino-Chinese civic leader na si Teresita Ang-See sa pagsasabing ang pagdinig ay sumentro hindi na sa isyu ng POGO, kundi sa masalimuot na personal na buhay ni Guo. Ani Ang-See, malayo sa pagiging disente ang pagdinig at ito’y sumasalamin sa dignidad ng Senado.

Talaga namang kapag ang isang taong nasangkot sa isang kontrobersiya ay pinatawag sa pagdinig ng Senado o Kamara, maaaring mawasak ang pagkatao ng taong ito at mawalan na siya ng kinabukasan. Kaya maraming nagsasabi na ang mga pagdinig sa Kongreso ay “in aid of reelection.” Ginagamit ito ng ilang mambabatas para magpasikat, makakuha ng “pogi points” at tumaas ang tsansa na muling maiboto, kahit mawasak ang buhay ng iba.

Sa mga pagdinig na aking napanood, kinilabutan ako sa mapanghusgang pagtatanong at pagsasalita ng ilang mambabatas na akala mo’y wagas na wagas ang mga pagkatao. Kung talagang ang mga pagdinig ay “in aid of legislation,” dapat ay may report ang Kongreso sa partikular na batas na nabuo dahil sa ginawang pagdinig. Mayroon ba?

Kung mayroon, paano nakatulong ang pagdinig sa pagpapabuti sa naturang batas? Karapatan nating malaman, sapagkat bawat pagdinig ay ginagastusan ng napakalaking halaga, bukod nga sa mga dangal na nasisira, at ito’y walang katumbas na halaga.

Kung hindi mapapatunayan na talagang nakatutulong ang mga pagdinig na ito sa paglikha ng mabubuting batas, dapat ay ihinto na ito, sapagkat nagagamit lang sa hindi magandang layunin. Baka may mas magandang pamamaraan para makakuha ng mga impormasyon na makakatulong sa paglikha ng mabubuting batas. O kung ipagpapatuloy man ang mga pagdinig, huwag nang ipa-cover sa media.  Gawin na lamang itong ekslusibong pagdinig.

Ang nakalulungkot, sa maraming pagkakataon, para rin tayong Kongreso na humuhusga sa ating kapwa na nakagawa ng pagkakamali. Alalahanin natin ang sinabi ni Hesus sa Mateo 7:1-2, “Huwag kayong humatol, nang kayo’y di hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba.”

Huwag na rin nating ugaliin ang pag-uusap sa buhay ng iba. Karaniwan, kapag pinag-uusapan ang buhay ng iba, ang sentro ay nasa kapintasan, o sa kamalian, o kasalanan ng kapwa.  Huwag na tayong mag-marites.  Puwera na lamang kung ang pag-uusapan ay ang kahusayan, kagalingan at kabutihan ng iba.  Ito ang uri ng pagdinig na katanggap-tanggap sa Diyos at sa ating kapwa.

vuukle comment

POGO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with