NAKU marami na ang nag-aabang sa ilulunsad na ‘Walang Gutom 2027: Food Stamp Program ng pamahalaan na aarangkada ngayong July.
Sinasabing nasa 300,000 ang unang benepisyaryo ng naturang programa, na ipapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang full implementation ng programa ay magaganap matapos ang matagumpay na pilot test na isinagawa sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Kabilang dito ang Tondo, Manila, Siargao, Parang, Maguindanao, Camarines Sur at San Mariano, Isabela.
Malaking bagay ito na talagang makakatulong sa ating mga kababayan.
Ang bawat isang benepisyaryo ay makakatanggap ng P3,000 worth of food stamps kada buwan. Nakalagay ang pondo sa ibibigay sa kanilang electronic benefit transfer (EBT) card na pwede nilang gamitin sa pagbili ng pangunahing food commodities buhat sa mga eligible partner merchant stores.
Ipinaliwanag ng DSWD, na ang 300K household beneficiaries ay manggagaling sa 21 provinces mula sa 10 rehiyon.
Ito umano ang natukoy na kabilang sa pinakamahihirap na pamilya.
Inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng benepisyaryo.
Pero ito ang dapat na malinaw, hindi kasama sa naturang programa ang mga benepisyaryo naman ng 4Ps na sa ibang paraan ay nakakatanggap na ng ayuda sa pamahalaan.
Kung baga iyon namang iba, na hanggang sa ngayon ay naghihintay pa rin ng ganitong tulong.
Aantabayanan na ang pagpapatupad sa programang ito na makakatulong ng malaki sa ating naghihirap na mga kababayan.
Pero ika nga sa kabila ng mga tulong na ito, dapat ding may pagsisikap ang nakakatanggap at hindi aasa na lang sa ganitong mga ayuda.