‘Niyog’ (Part 3)

KUNG wala kang interes sa pagtatanim ng niyog, ang pagtatabas na lamang ng mga damo sa ilalim ng niyugan ang itotoka ko sa’yo,’’ sabing mahinahon ni Tatay.

Ganun kabait si Tatay, marahan siyang magsalita at hindi kailanman nagagalit.

“Bibigyan kita nang magandang gulok para matabas mo ang mga bagin na umaakyat sa katawan ng niyog. Kapag hindi naalis o napatay ang mga bagin, mamamatay ang niyog at mababawasan ang nagbibigay sa atin ng kabuhayan,’’ sabi ni Tatay at nagtungo sa kusina. Pagbalik ay dala na niya ang isang itak na nasa kaluban.

“Eto ang itak na sinampalok. Mahusay itong pangtabas ng bagin. Mag-ingat ka lamang sa pagtaga sapagkat matalas ito. Sige na, mag-umpisa ka na sa pagtatabas. Mag-umpisa ka sa mga bagong tanim na niyog na malapit sa ilog. Matataba ang bagin dun dahil nagmula sa pampang ng ilog. Ang mga kapatid mo ay nag-uumpisa nang magtanim ng niyog sa may paanan ng bundok.’’
“Opo Tatay,” sabi ko at nagtungo na sa taniman ng niyog.

Pero nang makita ko ang maraming bagin at damo na nakapulupot sa mga bagong tanim na niyog ay naramdaman ko na naman ang kabagut-bagot na pagtatrabaho sa niyugan. Hindi nga ako magtatanim ng niyog pero maglilinis naman ako ng damo. Nakakainis! Hindi talaga ako bagay sa niyugan!

Nagtabas lang ako ng may 20 minuto at sinabakan ko ng tulog sa ilalim ng punong mangga.

(Itutuloy)

Show comments