WALA nang kinatatakutan ang mga kriminal. Panay na panay ang salakay. May inaambus, hinoholdap at kung anu-ano pang kasamaan. Nagaganap ang krimen sa karamihan ng tao at sa liwanag ng araw. Ang tanong nasaan ang mga pulis? Bakit walang nagpapatrulya sa kalye?
Noong Biyernes, isang babaing opisyal ng Land Transportation Office (LTO) ang pinagbabaril ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa korner ng K-H St. at Kamias Road, Brgy. Pinyahan, Quezon City. Nakilala ang biktima na si Mercedita Gutierrez, 64, hepe ng Registration Division ng LTO Central Office at nakatira sa New York St., Cubao, Quezon City. Dalawang tama ng caliber .45 ang tinamo ni Gutierrez at patay na nang dumating sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa Quezon City Police District, dakong 6:20 ng gabi nang tambangan si Gutierrez. Biglang sumulpot ang nag-iisang gunman at binaril ng dalawang beses si Gutierrez habang nagmamaneho ng Hyundai Starex van. Mabilis na tumakas ang gunman patungong V. Luna Road sakay ng Honda Click motorcycle na walang plaka.
Kahapon, isang suspek na ang naaresto ng Quezon City Police. Hindi pa pinapangalanan ang suspek.
Noong Miyerkules, isang barangay chairman ng Buli, Muntinlupa City ang pinagbabaril ng riding-in-tandem sa harap ng isang tindahan. Nakilala ang biktima na si Ronaldo Loresca, 48, residente ng Manuel L Quezon Street, Purok 1, Brgy. Buli, Muntinlupa City. Isinugod ang biktima sa Asian Hospital subalit dead on arrival na ito. Ayon sa mga nakasaksi, magkaangkas ang mga suspek sa motorsiklo at tumakas sa direksyon ng Sucat area.
Noong Sabado, tatlong bangkay ng lalaki na hinihinalang mga biktima ng summary execution ang magkakasunod na natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Rizal. Ayon sa Rizal Police Provincial Office, dakong 4:00 ng umaga nang matagpuan ang mga bangkay sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.
Noong Biyernes, isang retiradong pulis ang napatay matapos manlaban at mabaril ng mga holdaper sa Taytay, Rizal. Nakilala ang biktima na si Gary Boco, 46. residente ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Isinugod siya sa Taytay Emergency Hospital subalit dead on arrival. Ayon sa Taytay Municipal Police, habang nagbabantay ng kanyang tindahan ang biktima nang biglang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at nagdeklara ng holdap. Tumakas ang mga kriminal.
Walang pulis sa kalye nang maganap ang pag-atake ng mga kriminal. Nasaan ang mga pulis sa oras ng pangangailangan? Mapapanatag ang kalooban ng mamamayan kung may mga pulis sa lansangan.