MARAMING katanungan sa pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. At habang iniimbestigahan siya ng Senado, marami pang natutuklasan sa kanya. Isa sa mga bagong natuklasan sa kanya ay ang napakarami nitong sasakyan. Lumalabas na 16 na sasakyan ang nakarehistro kay Guo. Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, mayroon itong sports utility vehicles, pickup trucks, closed van at dump trucks at mayroon ding helicopter.
Ipinakita sa pagdinig ang larawan ang McLaren 620R na ginamit umano ni Guo sa isang car show noong Dis. 11, 2023. Nagkakahalaga umano ito ng P16.7 milyon. Itinanggi naman ni Guo na pag-aari niya ang McLaren. Hiniram lang daw niya ito sa mayor ng Concepcion, Tarlac. Marami raw sa kanyang mga sasakyan ang binenta na niya dahil buy and sell ang kanyang negosyo. Binanggit niya ang Westcars na kanyang negosyong buy and sell. Incorporator daw siya ng Westcars. Mayroon din siyang piggery, meat shop, farms, at embroidery. Nagmamay-ari rin siya ng helicopter na binenta na rin niya.
Habang tumatagal, lalong nagiging “mahiwaga” ang pagkatao ni Guo. Unang sinabi ni Guo na pinanganak lamang siya sa bahay, walang birth certificate, walang school records, hindi kilala ang kanyang ina, walang kapatid at lumaki sa piling ng ama na may mga alagang baboy.
Pero nang gisahin uli siya, sinabi niya na ang kanyang ina ay kasambahay at naanakan ng kanyang amang Chinese. Nang tanungin ni Hontiveros, kung bakit hindi agad nito sinabi na siya ay anak ng kasambahay, sagot ni Guo, ayaw daw niyang ungkatin pa iyon dahil personal na raw iyon. Natuklasan din na may dalawang kapatid si Guo at lagi niya itong kasama sa pagbibiyahe sa abroad. Taliwas sa sinabi nitong wala siyang kapatid. Nalaman din na madalas ding magbiyahe sa China ang ama nito. Ipatatawag daw ng Senado ang ama ni Guo.
Marami pang kaduda-duda sa pagkatao ni Guo at posibleng may mga mahalukay pa sa mga susunod na pagdinig. Sa isyu ng kanyang mga sasakyan, na pinagbenta na umano niya, dapat tanungin ang Bureau of Customs (BoC) ukol dito. Ipatawag ng Senado para malaman ang katotohanan. Smuggled ba ang mga ito? Nagbayad kaya siya ng tax sa mga sasakyan? Marami pang dapat malaman kay Guo at dapat itong mahalungkat nang todo.