MAHIGIT na sa 15,000 ang mga kaso ng online scam na naitala sa bansa sa taong ito, partikular na ng ‘swindling’.
Kasi nga eh hindi tumitigil ang mga sindikato sa pag-isip ng pamamaraan para makakulimbat sa ating mga mamamayan.
Eto nga at may bagong bababala ang Philippine National Police- Anti Cyber Group (PNP-ACG) sa publiko sa pagkonek o paggamit sa mga free Wi-Fi sa pampublikong lugar.
Sinasabing posible itong magdulot ng iba’t ibang uri ng cyber threats.
Aba’y kung inakala ninyo na nakalibre kayo ng koneksyon, medyo dapat magdalawang isip dahil nagagamit ito ng ilang grupo sa kanilang operasyon para makakulimbat sa inyo.
Ang mga free Wi-Fi hotspot na ito ay makikita sa mga hotel room, coffee shop, airport, at iba pang pampublikong lugar.
Ayon nga kay PNP-ACG Director PBGen Ronnie Francis Cariaga na bagaman nabibigyan ng mas malayang access at libreng koneksyon ang publiko, mahalaga pa ring kilalanin na ang mga unsecured connection ay maaaring magdulot ng cyber threats at iba pang kumplikasyon.
Ilan sa mga cyber threats na to ay ang hacking, remote access, at account takeovers.
Hindi aniya lahat ng mga free Wi-Fi ay safe.
Maging ang GCash ay nagpahayag na rin nang pagkabahala na maaaring maging target ng cyber threats ang mga account at user dahil sa pagkonekta sa mga pampubliko at hindi ligtas na Wi-Fi.
Risky na maituturing ang public at open wi-fi networks dahil umano sa kakulangan nito ng malakas na encryption kaya napapasok ng cybercriminals na ma-intercept ang data na doon nakakapagnakaw ng impormasyon, ayon kay GCash Chief Information Security Officer Miguel Geronilla.
Isa sa mga ibinigay na halimbawa ni Cariaga ay ang Man-In-The-Middle (MTM) attacks na maaaring umatake kapag naka-connect ang isang device sa public wifi network.
Kaya nga ang payo publiko mas maging maingat na kung maaari ay umiwas sa paggamit ng public wifi.