Dear Attorney,
Kapag tumalbog po ba ang tseke na inisyu ko pero handa na naman po akong bayaran ito, puwede pa rin ba akong mademanda ng BP 22?— Mina
Dear Mina,
Maaring basehan ng paglabag sa Batas Pambansa bilang 22 (BP 22) ang pag-iisyu ng talbog na tseke pero hindi naman ibig sabihin nito ay may sala ka na kaagad kapag tumalbog ang tsekeng inisyu mo.
Bago kasi magkaroon ng krimen ng BP 22, kailangang alam ng nag-isyu ang pagtalbog ng kanyang tseke bago siya maturingang may sala.
Sa ilalim ng BP 22, binibigyan ang nag-isyu ng limang araw para magbayad matapos niyang malaman ang pagtalbog ng kanyang tseke.
Ibig sabihin, may limang araw ka matapos mong malaman ang pagtalbog ng iyong tseke upang mabayaran ang halaga nito bago masabing guilty ka ng paglabag sa BP 22.
Ang limang araw na ito ay karaniwang binibilang matapos makatanggap ang nag-isyu ng demand letter ukol sa mga tumalbog na tseke.
Kaya kung ikaw man ay nag-isyu ng tseke, pondohan mo na kaagad ito kapag nalaman mo nang ito ay tumalbog dahil maikling panahon lamang ang ibinibigay ng batas para makaiwas ang issuer ng tseke mula sa posibleng kriminal na kaso.