Kahapon, tumama sa Quezon province at maraming probinsiya sa Southern Tagalog ang Bagyong Aghon. Kasama ang Metro Manila sa Signal No. 1. Nagdulot ng pagbaha at maraming pasahero ang stranded sa mga terminal. Marami ring stranded sa Batangas port at sa Matnog, Sorsogon. Kinansela ang biyahe ng mga eroplano. Ayon sa PAGASA, lalabas ng bansa ang bagyo sa Miyerkules ng hapon.
Simula na ng pagdalaw ng mga bagyo sa bansa at inaasahang titindi dahil sa epekto ng La Niña na mararanasan sa Hulyo at tatagal hanggang Nobyembre. Ang La Niña ay nagdadala ng mga malalakas na pag-ulan, baha at pagguho ng lupa.
Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa at karamihan sa mga ito ay mapanira. Maraming bahay ang nawawasak. Isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa ay ang Yolanda noong 2013. Hanggang ngayon, marami pa sa mga biktima ng Yolanda sa Eastern Visayas ang walang tahanan. Nagdaan ang Aquino at Duterte administration subalit wala pa ring mahusay na tirahan ang mga biktima ng Yolanda. May mga nasa evauation centers pa rin umano.
Ngayong nagsisimula na ang pagdalaw ng mga bagyo, malaking problema na naman ang evacuation centers na pagdadalhan sa mga nasalanta. Tuwing may kalamidad, malaking problema kung saan dadalhin ang evacuees. At dahil walang mapagpipilian, sa mga school dinadala ang evacuees.
Ang problema, ginagamit ng mga estudyante ang schools. Masasakripisyo ang pag-aaral ng mga bata kung gagamitin para sa evacuees. Ang masama, may mga evacuees na sinisira ang mga kuwarto ng school, pati mga silya blackboards. Gaya nang nangyari sa mga school sa Parañaque ilang taon na ang nakararaan.
Ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers ay nararapat nang isagawa ng kasalukuyang pamahalaan. Maglaan ng pondo para rito. Mahalaga ito sapagkat ang Pilipinas ay laging tinatamaan ng kalamidad hindi lamang bagyo kundi pagputok ng bulkan.
Noong Nobyembre 2022, tinalakay ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon nang permanenteng evacuation centers. Marami sa mga mambabatas ang nagpahayag na dapat magkaroon sa bawat bayan nang permanenteng evacuation centers upang may siguradong sisilungan ang mga apektado ng kalamidad. Maging ang mga senador ay nagpahayag na dapat nang magkaroon ng kanya-kanyang evacuation centers ang local government units (LGUs).
Pero lumipas ang ilang taon at walang naitayong evacuation centers. Ngayong nananalasa na naman ang bagyo, malaking problema na naman ito.