Pinoy titira na rin sa buwan?

Hanggang nitong Mayo 2024, umaabot na sa 40 bansa sa mundo ang lumagda sa Artemis accord na ang pinakahuli ay ang Belgium, Greece, Uruguay at Switzerland.  Ang kasunduang ito na sinimulan noong 2020  ay mga serye ng pagkakaisa ng United States at ng ibang mga bansa hinggil sa  mga hakbang o aktbidad ng mga tao sa outer space.  Naunang pumirma rito ang U.S., Australia, Canada, Italy, Japan, Luxembourg, United Arab Emirates at United Kingdom.

Meron itong pangunahing kaugnayan sa Artemis program na isang pagsisikap na makabalik at permanente nang manirahan ang tao sa buwan mula 2026 na magiging lunsaran ng mga misyon patungo sa ibang mga planeta tulad ng Mars.

Nasaan na dito ang Pilipinas?

Noong Mayo 2, 2024, nagkaroon ng Space Dialogue ang U.S. at Pilipinas na isinagawa para mapalakas ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga usapin sa kalawakan kabilang na ang sa outer space, satellite, kapaligiran, teknolohiya, karagatan at iba pa para sa kapakanan ng kani-kanilang mga mamamayan. Ang delegasyon ng U.S. sa dayalogo ay pinangunahan ni Rahima Kandahari, Deputy Assistant Secretary, State Department Bureau of Oceans and International Environmental and Scientific Affairs, habang ang delegasyon ng Pilipinas ay pinamunuan ni Gay Jane Perez, Deputy Director General for Space Science and Technology ng Philippine Space Agency.

Sa gitna ng mga napag-usapan at napagkasunduan sa naturang dayalogo, ipinahayag ng Pilipinas na ikinokonsidera nito ang pagpirma sa Artemis accord na nagtatatag ng mga panuntunan na magtitiyak sa ligtas at responsableng mga pagkilos sa kalawakan habang ginagalugad ng mga bansa ang buwan at ibang mga planeta at iba pang bagay sa kalawakan.

Pero sa ginawang magkasamang pahayag ng U.S. at ng Pilipinas hinggil sa Space Dialogue, walang ibinigay na detalye hinggil sa posisyon ng Pilipinas sa Artemis accord bagaman masasabing ito ang unang malinaw na deklarasyon ng Pilipinas hinggil sa Accord na ito. Hindi pa mabatid kung kailan magdedesisyon ang pamahalaang Pilipino kung lalahok ba ito o hindi sa mga hakbang  na magkaroon ng base o kolonya ng tao sa buwan.

Hindi naman nag-iisa ang Pilipinas. Merong 195 bansa sa mundo pero 40 pa lang ang lumalagda sa Artemis accord. Hindi sumasali o hindi isinama rito ang Russia at China na merong sariling solong mga plano at misyon sa buwan at Mars.  Isa sa mga kritisismo sa Artemis accord ay ang sinasabing lubha itong nakasentro sa U.S.

Bukod dito, wala pang establisadong space program ang Pilipinas at napakabata pa ng sarili nitong space agency. Wala pa nga itong sariling astronaut. Pero hindi naman ibig sabihin ay napag-iiwanan ang bansa sa usapin ng outer space. Meron nang mga kasunduan at pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa ang Pilipinas kaugnay sa mga bagay na may kinalaman sa outer space. Marami ring mga Pilipino ang nagtatrabaho sa National Aeronautics and Space Administration ng U.S. na nangungunang gumagalaw sa Artemis program. Ilan na sa kanila ang nagkaroon ng partisipasyon sa mga exploration sa planetang Mars.

Gayunman, kung lalagda ang Pilipinas sa Artemis accord at lalahok sa Artemis program, hindi malayo at maaaring hindi rin imposibleng may mapabilang na mga Pilipino sa mga taong maninirahan sa buwan sa darating na panahon.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments