Dear Attorney,
Sa pabrika po ako namamasukan at pinipilit po kaming mag-overtime ng dahil sa kakulangan sa tao. Ngayon pinapapasok ako nang maaga para mag overtime pero hindi ko pinasukan. Pumasok pa rin ako base sa schedule ng regular ko na pasok. Matapos nito ay nakatanggap na lang ako ng notice to explain dahil insubordination daw ang ginawa ko. Maari raw akong masuspinde ng limang araw. Tama po ba ito? —Ken
Dear Ken,
Kailangang sundin ng empleyado ang utos na mag-overtime kapag may mga emergency na katulad ng (1) digmaan o national emergency; (2) lokal na kalamidad kung saan kailangan ang pag o-overtime ng mga empleyado upang maisalba ang buhay ng mga tao, maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko; (3) mga pagkakataon na kailangan ng agarang pagkukumpuni sa mga makinarya at iba pang mga kagamitan upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng employer; (4) mga pagkakataon na kailangan ang overtime upang maiwasan ang pagkasira ng mga perishable goods; at (5) mga pagkakataon na kailangang tapusin ang trabahong nasimulan na sa ika-walong oras ng trabaho upang maiwasan ang perhuwisyo sa negosyo o operations ng employer.
Kung mapapansin mo ay mahirap na suwayin ang utos na mag-overtime dahil malawak ang mga dahilan na itinakda ng batas para rito. Sa madaling sabi, hindi basta-basta puwedeng balewalain ang utos ng employer na mag-overtime dahil madali para sa employer na bigyang-katwiran ito.
Hindi kumpleto ang inilahad mo para makapagbigay ako ng opinion kung may sapat bang dahilan upang ikaw maakusahan ng insubordination pero kung may sapat na dahilan ang iyong employer para magpa-overtime ay maari ka talagang mapatawan ng disciplinary action, kabilang na rito ang pagkakasuspinde sa trabaho.