NAGSIMULANG mag-figure skating si Vera Wang noong bata pa. Anak siya ng mayamang mag-asawang Chinese na namalagi na sa U.S. noong 1940s. Noong 1968 and 1969 U.S. Figure Skating National Championships, siya at ang kanyang partner na si James Stuart, ay nakuha ang fifth place sa junior pairs competition. Ito ang nagtulak sa kanya para mangarap na makasali sa U.S. Olympic Team.
Sa kasamaang palad, kulang pa siya sa expertise kaya hindi siya nakasali. Noon niya ibinaling ang kanyang ikalawang skill sa fashion industry. Nabigo man sa unang pangarap na makilala sa figure skating, ngayon naman ay sikat siyang designer ng bridal wear sa America.
Iba naman ang kuwento ni Amy. Kaya lang siya kumuha ng kursong nursing ay para makasunod sa kanyang ate na nasa U.S. Nurse ang kanyang ate at nakapag-asawa ng Amerikano. Ang plano ng kanyang ate ay ipapasok siya sa ospital na pinaglilingkuran nito.
Ngunit napakahirap palang mag-apply ng visa sa U.S. Ilang beses siyang nabigo kaya pag-aasawa na lang ang inatupag niya. Nagtayo si Amy at asawa nito ng negosyo sa probinsiya, na hindi niya akalaing ito ang magpapayaman sa kanya. Mas mayaman pa siya ngayon kaysa kanyang ate.
Ang “masamang kapalaran” daw kung minsan ay parang tae ng hayop. Mabaho, marumi, nakakadiri pero kapag inihalo mo sa lupa ay nagsisilbi itong fertilizer na tutulong upang maging mabunga ang isang halaman. Kaya kung nabigo ka sa kabila ng mga pagsisikap at pagdalangin sa Diyos, huwag mawalan ng pag-asa. Sa likod ng mga kabiguan ay may sorpresa palang biyaya na naghihintay sa atin.