‘Asin’
(Huling bahagi)
WALA pang tao sa aming classroom kaya malaya kong nagawa ang mga utos ni Lola Felisa.
Una kong binudburan ng asin ang entrada o pintuan ng aming classroom at pagkatapos ay ang silyang upuan ng bully kong kaklase na si Larry. Isang kurot ng asin ang binubod ko sa upuan. Sabi ni Lola, ibang klase ng asin ang baon ko. Hindi na niya nilinaw kung anong klase pero sa hula ko, mas mabisa ang asin kaysa sa unang asin na baon ko.
Eksaktong maibubod ko ang asin sa silya ni Larry, dumating naman si Daniela. Gulat na gulat siya nang makita ako.
“Ba’t ang aga mo Manuel?’’
“Ha e may iniutos kasi sa akin si Lola. Inutusan akong bumili ng asin.’’
“Asin na naman?’’
“Di ba natapon ang asin na binili ko kahapon kaya pinabili niya uli ako.’’
“Ah.’’
“Ikaw ba’t ang aga mo Daniela?’’
“Kasi baka awayin ka uli ni Larry e mabuti na may kakampi ka. Pakiramdam ko, gagantihan ka dahil napatawag siya sa principal’s office. Kung aawayin ka niya ngayon, humanda siya!’’
“Siguro naman e hindi na niya ako aawayin, Daniela.’’
“Naku, palaaway yun. Hindi ka titigilan nun.’’
Maya-maya, nakita nilang dumating na si Larry.
“Nandiyan na siya, Manuel. Kapag inaway ka niya ngayon, tutulungan kita!’’
Dahan-dahang lumapit sa kinaroroonan nila si Larry. Nakatingin ito kay Manuel. Tumigil sa harap nila si Larry.
At sa pagkagulat nila ay lumuhod si Larry sa tapat ni Manuel at saka umiyak. Pagkatapos ay tumayo ito at nagtungo na sa upuan nito.
“Bakit lumuhod at umiyak si Larry?’’ tanong ni Daniela.
“Ewan ko.’’
Maya-maya pa ay lumapit si Larry sa amin at may dala itong dalawag kendi at iniabot sa amin ni Daniela.
Inabot ko ang kendi at binigay kay Daniela ang isa.
“Bakit ang bait niya? Nakakapagtaka!” tanong ni Daniela.
Hindi na ako sumagot.
Nang umuwi ako sa bahay, sinabi ko kay Lola Felisa ang lahat. Pati ang biglang pagbait ni Larry sa akin.
“Dahil yun sa asin!’’
Hanggang ngayon, hindi ko malimutan ang karanasang iyon. Mula nun hindi na ako inaway ni Larry at naging mabait siya sa akin. Naging kaibigan ko siyang matalik.
Si Daniela nga pala ang aking naging asawa at nagkaroon kami ng tatlong anak.
- Latest