Dear Attorney,
Tinanggal ako sa trabaho dahil expired na raw ang kontrata ko. Pinapirma kasi kaming mga empleyado 5 months ago ng kontrata para maging regular na raw kami kahit ilang taon na kami sa kompanya. Ngayon ay sinabihan kami na isang buwan na lang daw kami sa trabaho bago matapos ang kontrata namin. Puwede ba naming kuwestiyunin ang magiging pagtanggal sa amin? — Fred
Dear Fred,
Nakadepende sa employment status mo ang iyong katanungan. Kung ilang taon na kayo sa inyong kasalukuyang kompanya at ang inyong ginagampanang trabaho ay “necessary and desirable” o kailangan at kanais-nais para sa negosyo, kayo ay maituturing ng regular employee kahit wala pa kayong pirmahan na kontrata.
Kung kayo nga ay mga regular na empleyado, maari lamang kayong matanggal sa trabaho dahil sa mga tinatawag na authorized at justified causes na matatagpuan sa Labor Code.
Hindi kasama sa mga authorized at justified causes ang expiration ng kontrata kaya kung ituloy man ang sinasabing pagtanggal sa inyo sa trabaho matapos ang isang buwan ay maari kayong magsampa ng illegal dismissal.
Pero uulitin ko, ang mga nabanggit ko ay nakadepende lamang kung kayo nga ay regular employees ng inyong kompanya. Kung kayo man ay magsampa ng reklamo sakaling kayo nga ay tanggalin ay kailangang mapatunayan muna ang inyong employment status bago ang pagtukoy kung may illegal dismissal nga ba sa sitwasyon ninyo.