MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad kahapon sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang bagong ayuda program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naglalayong mamahagi ng P3 bilyong cash aid sa mahigit isang milyong benepisyaryo sa loob ng isang araw.
Si Romualdez ay isa sa mga pangunahing nagsusulong ng “Ayuda sa Kapos ang Kita Program” o AKAP sa ilalim ng tanggapan ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) ni Sec. Rex Gatchalian kung saan nasa P26.7 bilyon ang pondo sa 2024 national budget bilang cash aid program para sa mga mahihirap. medyo mahirap, minimum wage earners, low-income earners at maging ang mga may problemang pinansyal.
“Karangalan ko pong ihatid sa inyo ngayong araw ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan-- ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP,” ayon kay Romualdez.
“Sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., binuo natin ang programang ito para tulungan ang ating mga kababayang mahihirap na apektado ng pagtaas ng mga presyo o inflation,” dagdag pa ng punong lider ng Kamara.
Gamit ang kredong “Isang Araw, Isang Milyon, Isang Bayan,” ang aktibidad ngayong araw ay sabay-sabay na isinagawa sa 334 lugar, kung saan bawat lugar ay mayroong 3,000 benepisyaryo.
Ang AKAP program ay bahagi ng halos kalahati ng trilyong halaga ng pinansyal na ayuda na inaprubahan ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Marcos para ganap na mapagtibay ang 2024 General Appropriations Act.
“For today’s launch, each of the 1,002,000 beneficiaries of the AKAP in 334 areas nationwide will receive P3,000 each, for a whopping total of over P3 billion in cash aid payout in one day,” ani Romualdez.
Sinabi ni Romualdez, ang AKAP ay para sa lahat ng pamilyang Pilipino na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa para makaraos sa araw-araw na pangangailangan, lalo na sa pagbili ng pagkain at sa iba pang mahalagang gastusin.