DAHIL sa pagmamahal sa akin ni Lola Felisa noong ako ay nag-aaral sa high school, inihahatid pa niya ako sa school. May isang kilometro ang layo ng school sa aming bahay. Bago makarating sa school ay magdadaan sa isang sapa na may tulay, kawayanan at mga palayan. Bagama’t may kalsada ay hindi naman sementado kaya mahirap ding maglakad.
Nakiusap ako kay Lola Felisa na huwag na akong ihatid sa school dahil kaya ko namang mag-isa. Isa sa dahilan kaya ayaw kong magpahatid kay Lola Felisa ay dahil nahihiya ako sa aking mga kaklase. Alam ko na lihim akong pinagtatawanan dahil ang laki ko na ay inihahatid pa ng lola.
“Bakit ba tutol ka na ihatid kita, Manuel?’’ tanong ni Lola. “Kaya ko na Lola. Isa pa, mapapagod ka,’’ sagot ko.
Dahil sa pakiusap ko, pumayag si Lola pero may kundisyon. “Sige hindi kita ihahatid pero magdala ka sa bag mo ng isang dakot na asin!’’ sabi niya. “Para saan ang asin, Lola?’’
Ipinaliwanag ni Lola na mabisa ang asin laban sa mga maligno, lamanlupa at maski sa mga taong may masamang intensiyon. Si Lola Felisa ay may kakayahang manggamot ng mga nanununo o mga kinatutuwaan ng lamanlupa.
Para hindi na niya ako samahan sa school, pumayag akong magdala ng isang dakot na asin patungo sa school. Nakalagay iyon sa supot.
(Itutuloy bukas)